Una sa Balita

‘Cayetano 4’, MVP Boys ugat ng gulo sa SEAG

0 287

UGAT ng kaguluhan sa Philippine Olympic Committee (POC) ang dapat na pamamahala nito sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Ilang ulit sinabi ni POC Vice President Jose ‘Joey’ Romasanta kasama ang mayorya ng Executive Board na hindi nila balak patalsikin sa puwesto ang nagbitiw na dating presidente na si Ricky Vargas kundi ang magkaliwanagan muna sa responsibilidad ng pribadong ahensiya at ang karapatan nito sa internasyonal na mga torneo.

“Ang mahirap kasi, hindi kami nagkakausap-usap ng mahabang oras para maipaliwanag nang husto kung ano ba ang karapatan, responsibilidad at trabaho ng POC tulad na lamang sa pagho-host ng mga torneo sa bansa,” paliwanag ni Romasanta.

Isa sa pangunahing nais maipaliwanag noon ng mayorya ng POC Executive Board ang pagkakabuo ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) na nairehisto sa Securities and Exchange Commission bilang isang foundation na lingid sa kaalaman ng buong mga miyembro.

Ipinaliwanag ni Romasanta na nararapat lamang na isang ad hoc committee sa ilalim ng pamumuno ng POC ang binuo na Phisgoc na pagkatapos ng pagsasagawa ng ika-30 edisyon ng SEA Games ay mada-ling lusawin at hindi katulad sa isang foundation na patuloy na mananatili pa rin hanggang may mga taong nagpapatakbo.

Una nang tinanggihan ng Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez ang pagho-host ng 30th SEA Games na orihinal na dapat sana i-host ng bansang Brunei Darrussallam subalit nagpilit si dating Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na maisagawa ito sa bansa sa pakikipag-usap nito sa dating namumuno sa POC na si Jose ‘Peping’ Cojuangco.

Itinalaga ni Cojuangco bilang chairman ng bubuuin na SEA Games Organizing Committee si Cayetano.

Subalit nagkaroon ng biglaang pagpapalit ng lide-rato sa POC kung saan natalo si Cojuangco sa pagkapa-ngulo at napalitan ng presidente ng Alliances of Boxing Association in the Philippines (ABAP) na si Ricky Vargas kasama bilang bagong chairman si Abraham ‘Bambol’ Tolentino na presidente ng cycling.

Ang liderato ni Vargas, na kasama sina Patrick Gregorio na itinalaga nito bilang secretary general at ilang mga kakilala nito sa tinaguriang MVP Boys, ang pu-malit sa liderato ng POC na kung saan nakasama nito ang grupo naman ni Cayetano na sina Donaldo Cari-ngal, Ramon Suzara, Monica Mitra at Dexter Estacio, tinagurian namang ‘Cayetano 4’, para sa pagpaparehistro ng Phisgoc Foundation, Inc. at hindi ang dapat na Phisgoc.

Sinubukang kunan ng Abante ng reaksiyon ang apat subalit si Suzara lamang ang tumugon.

“Trabaho lang ako,” sagot ni Suzara nang matanong kaugnay sa isyu. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy