Una sa Balita

Castriciones kapit-tuko sa DAR, umatras sa eleksyon

By
0 140

UMATRAS si Department of Agrarian Reform (DAR) Sec. John Castriciones sa planong pagtakbo sa pagka-senador sa 2019 midterm elections.

Ayon kay Castriciones, nagpasya siyang manatili sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil marami pang trabahong dapat gawin lalo na ang pamamahagi ng lupa sa mga mahihirap na Pilipino.

Ipinaabot na ng kalihim sa Pangulo ang kanyang pag-atras na kumandidato sa pagka-senador sa pamamagitan ng isang dating opisyal ng Malacañang.

Aminado si Castriciones na hindi biro ang tumakbong senador dahil kinakailangan ng mala­king halaga sa aspektong pinansyal at wala siyang malaking pera para isulong ang kandidatura.

“Hindi na po ako tatakbo para maipagpatuloy natin ang mga programa sa Agrarian Reform at matulungan natin ang mga magsasaka at maisulong ang mga adhikain ng Pa­ngulo,” ani Castriciones.

Matatandaang isa ang pangalan ni Castriciones sa mga binanggit ni Duterte na posibleng magbitiw sa gabinete dahil sa plano nitong tumakbo sa pagka-senador sa darating na halalan.

Si Castriciones ay isa sa kontrobersyal na miyembro ng gabinete ni Duterte dahil noong sumalang ito sa Commission on Appointments (CA), lumitaw ang reklamo hinggil sa kawalan nito ng track record at kapabilidad upang pamunuan ang ahensiya.

Bago napadpad sa DAR, si Castriciones ay nanilbihan sa Department of Interior and Local Government (DILG) at isa sa nagkalat umano ng intriga kay dating secretary Ismael Sueno.