Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Castelo patok na VM bet sa Quezon City

0 61

UMARANGKADA si Quezon City District 2 Councilor Winnie Castelo sa vice mayoralty race sa Quezon City matapos makakuha ng malaking kalamangan na 27% base sa pinakabagong survey sa lungsod.

Ayon sa survey ng The Issues and Advocacy Center na isinagawa noong December 13-19, nakakuha si Castelo, dating kongresista ng 2nd District, ng 49% boto kumpara sa 22% ni incumbent Vice Mayor Gian Sotto.

Sa parehong survey, nanguna rin si Malayang Quezon City team mayoral candidate at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa kalabang si reelectionist Mayor Maria Josefina Tanya Belmonte Alimurung.

Pinili si Defensor ng 51 porsiyento ng respondents laban sa 32% ni Belmonte o 19% kalamangan.

Nangunguna rin ang karamihan sa mga kandidato sa Kamara ng Malayang Quezon City laban sa mga kandidato ng tiket ni Belmonte.

“We, our group, can sustain this,” ani Castelo. “Our performance, our tireless service to our people speaks for itself.”

Sa kanyang parte, umaasa si Defensor na patuloy na lalakas ang kanilang suporta sa mga residente ng Quezon City. “We are hoping that they would continue to support us so we can have a fresh and a proactive leadership in the city.”

“We should end the reign of the 30-year-old Belmonte dynasty,” ani Defensor, isang health advocate na mayoralty aspirant.

Nangunguna rin ang maybahay ni Castelo na si 2nd District reelectionist Rep. Precious Hipolito Castelo sa kanyang 43% kumpara sa 25% ng kanyang kalaban.

Sa 1st District, lamang rin si incumbent Rep. Onyx Crilosogo na nakakuha ng 23% kalamangan matapos suportahan ng 46% respondents at 23% lamang sa pinakamalapit na kalaban nito.

Lamang rin ng 21% ang tatay ni Crisologo na si dating Rep. Vincent “Bingbong” Crisologo na nakuha ang 43 ng respondents kumpara sa 24% ng kanyang sumesegundang katunggali sa 6th District.

Magugunitang muntikang talunin ni Bingbong Crisologo si Belmonte noong 2019 mayoralty race.

Sa 3rd District naman, nakakuha ng 41% si Malayang Quezon City reelectionist Rep. Allan Reyes habang 25% naman sa pinakamalapit na kalaban nito.

Dikdikan naman ang labanan sa 4th District na ikinokonsiderang balwarte ni Belmonte.

Tatlong porsiyento lang ang kulang ni Marvin Rillo ng Defensor team para malampasan si reelectionist Rep. Jesus Suntay na kasama naman sa tiket ni Belmonte.

Kinabibilangan ang Issues and Advocacy Center ng professional public relations at media practitioners.

Bahagi ang Quezon City poll survey ng mas malawak na survey na kinabibilangan ng Pasay City, Pasig City, Caloocan City, Makati, San Juan, Navotas, at Pateros.

Leave A Reply

Your email address will not be published.