Una sa Balita

Casino Filipino-Pagcor nalugi ng ₱2B

0 337

PUMALO na sa mahigit dalawang bilyong piso ang kabuuang halaga ng nalugi sa operasyon ng Casino Filipino-Manila Bay sa loob ng nakalipas na limang taon.

Batay ito sa 2018 annual audit report ng COA sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na siyang nagpapatakbo sa Casino Filipino-Manila Bay.
Binanggit sa COA report na limang taon nang nalulugi ang Casino Filipino-Manila Bay kung kaya’t pinagdududahan ang kakayahan nito na magpatuloy pa sa kanilang operasyon.
Sinabi pa ng COA na hindi ibinunyag ang kalagayang pinansiyal ng Casino Filipino-Manila Bay sa isinumiteng financial statement.
Nakasaad sa COA report na batay sa Comparative Statements of Comprehensive Income, mula 2014 hanggang 2018 ay pumalo na sa P2.113 bil­yon ang nalugi sa Casino Filipino-Manila Bay:
*2014: P352,022,381
*2015: P458,001,074
*2016: P386,666,606
*2017: P413,531,213
*2018: P502,705,833
“…the existence of adverse financial conditions for five consecutive years of the CF-Manila Bay casts doubt on its ability to operate as a going concern. This condition was not disclosed in the Notes to Financial Statements as required,” ayon sa COA.
Kaugnay nito, inirekomenda ng COA na pag-aralan ang kakayahan ng Casino Filipino-Manila Bay kung kakayanin pa nitong magpatuloy ng operasyon sa kabila ng naitala na malaking pagkalugi sa nakalipas na limang taon.
Pinabubunyag din ng COA ang kalagayang pinansyal ng casino.
Nirekomenda pa ng COA na bumalangkas ang Casino Filipino-Manila Bay ng development plans and strategies para kumita ito at magpatuloy sa kanilang operasyon at kung hindi ay ikunsidera na lamang ang pagpapasara ng casino para hindi na magtuloy-tuloy pa ang pagkalugi nito.
Nakasaad din sa COA report na ipinaliwanag ng pamunuan ng Casino-Filipino na ang patuloy na pagkalugi nito ay sanhi ng iba’t ibang kadahilanan.
Kabilang dito ang “disintegration” ng income gene­rating satellites mula sa Casino Filipino-Pavilion, ang pagbubukas ng mga kalabang resort at dahan-dahang pagbabawas sa bilang ng mga table game at slot machine bilang paghahanda sa paglilipat ng casino ga­ming facilities sa Casino Filipino-Manila Bay dahil sa sunog na naganap noong nakaraang taon.
Inihayag din umano ng management sa COA audit team ang kanilang plano na ipatupad ang 65-35 sharing scheme sa kanilang mga gaming proponent at pagbabawas sa casino operation para matugunan ang pagkalugi nito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy