Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Cascolan sayang ang mahigit 2 buwan bilang PNP chief

0 55

NAAGAW ang ating atensyon sa ingay ngayon sa Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pamumuno ni General Camilo Cascolan.

Papaano namang mo papansinin ang isyu sa PNP, aba’y bagong upo pala itong si Cascolan ay puro balasan na ang pinaggagawa. Kumbaga politika agad ang inatupag sa mahigit dalawang buwan niya sa panunungkulan.

Nanghihiyang ako sa oportunidad na ibinigay sa kanya ni Pangulong Digong kung pawang pamumulitika lang niya uubusin ang napakalimitadong panahong ibinigay sa kanya bilang PNP chief, maliban na lamang kung i-extend siya sa posisyon.

Sa katunayan, wala pa akong narinig na magandang nagawa nya sa PNP mula nang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi katulad ng ibang opisyal na pakitang gilas agad bilang pagpapatunay na karapat-dapat siya sa posisyong ipinagkatiwala sa kanya ng Pangulo.

Kaso ang ganap ngayon sa PNP sunud-sunod na balasahan ang kanyang ginagawa.

Ang matindi may gana pa siyang magsalita laban sa pinalitan niyang PNP Chief na si Archie Gamboa. Na kesyo ay may midnight appointment daw dapat itong gagawin pero hinarang nya.

Ang tanong ano ngayon ang ginagawa mo General? Hindi nga midnight appointment ang ginagawa mo sa ngayon pero parang ganun na rin dahil puro balasahan ang naririnig ng publiko sa inyo mula nang maupo dyan, imbes na magtrabaho.

Ang pinakamatindi pang pinaplano nyo na tiyak na ikakasama nyo sa mata ng tao ay ang i-promote nyo sa isang opisyal na alam naman ng taumbayan na may kapalpakan sa panahon ng quarantine. Anong paandar ‘yan?

Oo nga’t nasa kapangyarihan nyo ang pagbalasa o pag-promote pero puwede ba sabayan nyo naman ng pagtupad sa tungkulin?

Isa pang hindi natin nagustuhang pahayag ni Cascolan ay huwag daw hiyain in public ang mga pulis na nahuhuling natutulog sa duty.

Sabi ni Cascolan ang tamang attitude ay alamin kung bakit ito natutulog.

Hindi ba’t maliwanag na pambi-beybi ang gustong mangyari ng PNP chief.

Hindi ba naalala ni Cascolan ‘yung mga pulis na pinatawag mismo ni Pangulong Duterte sa Malacanang ang ilang pulis na nahuling natutulog sa kanilang puwesto na kalaunan ay ipinatapon sa Mindanao?

Kung kukunsintihin ni Cascolan ang kanyang mga pulis, taliwas ito sa gustong pagdidisiplina ni Pangulong Duterte.

At para malaman ng bagong PNP Chief ang bigat ng natutulog sa puesto at sa trabaho, sa military nga kino-court martial. Puede ring mabilanggo o madismiss s serbisyo.

Kung ganito kalambot ang bagong liderato ng PNP, huwag na tayong magtaka na muling lumobo ang krimen ngayon mga panahong ito.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.