Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Carlos nagpahiwatig ng barahang maka-Tsina

0 110

Nadinig natin kamakailan sa isang panayam itong si incoming National Security Adviser Clarita Carlos na tinalakay ang tila magiging hugis ng ating foreign policy sa ilalim ng papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Una, pinasaringan nitong si Propesora Carlos ang Estados Unidos sa pag etsapuwera nito sa Tsina sa gaganaping Rim of the Pacific (RIMPAC) exercise sa Hawaii. Ang RIMPAC ay isang pagsasanay na nilalahukan ng mga katihang pandagat ng iba’t-ibang nasyon sa pangunguna ng Estados Unidos na naglalayong matiyak ang seguridad at ‘di inaasahang insidente sa gitna ng karagatan.

Nasaan aniya ang salitang ‘inclusiveness’ kung di naman kasama ang mga Intsik.

Hinahangaan pa naman sana natin itong si Carlos subalit kahit naman siguro ako ang pasimuno ng RIMPAC ay ‘di ko na rin nanaisin imbitahan ang Tsina na imbes maging role model ng katiwasayan sa dagat ay siya pang pasimuno ng pang-aangkin at pananakop sa malawak na bahagi ng South China Sea.

Ito ay dahil kasama sa mga inaangkin nito ay ang mga karagatan, isla at mga bahura na nasa ilalim ng soberenya ng Pilipinas gaya ng Scarborough Shoal.

Noong nakaraang linggo lamang ay naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa Tsina dahil sa umano’y ilegal na pangingisda nito sa Ayungin Shoal (Second Thomas Shoal) na nasa loob ng Philippine exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf.

Parang ang gusto mangyari ni Carlos ay imbitahan sa isang handaan ng mapayapang magkakapit-bahay ang isang siga-siga na naghahanap ng away sa kanto. Karapatan ng isang nag-organisa kung sino ang nais niyang makasama sa isang pagtitipon gaya ng RIMPAC.

Ani Carlos, bilang Asyano gusto umano ng Pilipinas na kasama ang Tsina. Teka muna, Propesora. Oo gusto sana natin makasama ang Tsina sa maraming bagay pero paano mo ipaliliwanag ang patuloy na paglabag nito sa ating soberenya at maging sa karapatan ng mga Pilipinong mangingisda na itinataboy ng mga ito sa sarili nating karagatan?

Hindi lamang ito usapin ng pang-eetsapuwera ng isang bansa kundi ito ay usapin din ukol sa kung ang bansa ba na iyan ay kumikilala sa pandaigdigan batas at kaayusan.

Malaking katanungan palagi ang patuloy na ‘di pagkilala ng Tsina sa 2016 Arbitral ruling na kinatigan ang petisyon ng Pilipinas na balewalain ang malawakang pang-aangkin ng Tsina sa South China Sea.

Nakakapanghinayang na nga na pinakawalan ng Duterte administration ang ‘momentum’ ng nasabing desisyon mula sa The Hague kapalit ng ilang ‘pabor’ mula sa Tsina.

Sa hilatsa ng pananalita nitong si Carlos ay mukhang makakanal na naman ang nasabing desisyon sa ilalim ni BBM.
Tayo ay nag-aalala sa pananalita ni Carlos na siya at si BBM ay nasa “iisang pahina” pagdating sa diskarte kung paano tatanganan ang usaping ito, lalo na ang ating relasyon sa Tsina.

Hindi naman masamang makipag-kaibigan at maging inclusive na kagaya ng sinasabi nitong si Carlos subalit kailangan pantay ang tingin sa atin ng ating kausap na bansa kahit pa sabihin na tayo ay kakapiranggot at mas mahirap.

Leave A Reply

Your email address will not be published.