Una sa Balita

Cariño ‘nilatigo’ ang mga bataan

0 389

Mga laro bukas:
(FilOil Flying V Centre)
12:00 nn. – CSB vs Letran
2:00 p.m. – EAC vs MU

KAILANGAN pang pagsabihan ni Perpetual Help Lady Altas head coach Macky Cariño ang kanyang mga bataan para magising at maalalang sila ang last year’s runner up.

Natisod sa unang set at pagkatapos ay buma­ngon para hatawin ang tatlong sunod na set at kalusin ang San Sebastian College, 29-31, 25-13, 25-20, 25-20, kahapon sa 95th NCAA women’s volleyball competition sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Bahagyang nawala ang bangis ng Lady Altas sa kalagitnaan ng fourth set kaya napilitang tumawag ng time out si Cariño.

“Noong nag-time out ako sa fourth set, sinabi ko sa kanila, ‘di ko kasi nakikita na kami ‘yung lumaban noong champion last year kasi ‘yung pride ­parang nawala kaya sabi ko sa kanila, unti-untiin natin, medyo kapain natin ‘yung game,” kuwento ni Cariño.

Kinapitan ng Las Piñas-based squad si Bianca Tripoli matapos magtala ng game-high 17 points kasama ang 15 hits para tulungan ang Perpetual help na ilista ang 1-1 karta.

Nalugmok ang Lady Altas sa College of Saint Benilde Lady Blazers sa kanilang unang laban.

Tumikada si Jhona Rosal ng 14 pts. at 20 digs para sa Perpetual help habang bumakas si Dana Persa ng 11 puntos.

Nalasap ng Lady Stags ang pangalawang sunod na talo, tangan nila ang 0-2 card. (Elech Dawa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More