Una sa Balita

Carandang hindi binu-bully ni Digong

By
0 1,991

Kinontra ng Malacañang ang bintang ni Senador Antonio Trillanes IV na binu-bully ng Palasyo si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang matapos itong suspendihin ng 90-araw at kinasuhan ng grave misconduct at grave dishonesty.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi puwedeng ma-bully si Carandang dahil mayroon itong sariling pag-iisip at hindi rin ito kinokontrol ng Malacañang.

Mayroon aniyang nagreklamo laban kay Carandang at lu­mabas sa imbestigasyon na mali at misleading ang ginawa nitong pag­lalabas ng mga impormasyon kaugnay sa umano’y bank account ng pamilya Duterte.

“Ay hindi po puwedeng ma-bully iyan. Alam n’yo naman iyan ay talagang may sariling galaw iyan. Pero iyong mga pinaggagawa niya na kung ano-ano ang mga pinagsasabi tungkol doon sa mga papeles na nilabas ni Trillanes, luma­labas naman pala sabi ng AMLC (Anti-Mo­ney Laundering Council) hindi nanggaling sa kaniya at saka iyong mga pi­gura ay mali at mislea­ding,” ani Roque.

Nanindigan din ang Kalihim na mayroong kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na magsuspende kay Carandang dahil nakasaad sa Kons­titusyon na ang impeachable official lamang ay ang Ombudsman.