Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Camilla pasiklab kontra Ateneo

0 99

NAGPASIKLAB ng malulupit na set at decision making sa laro si Camilla Victoria Lamina upang malampasan ng National University Lady Bulldogs ang panindak na first set loss sa kamay ng defending champion Ateneo de Manila University Lady Eagles para maitawid ang 18-25, 25-20, 25-19, 25-18 panalo sa second game para manatiling undefeated sa 84th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Bumitaw ng 22 excellent sets kabilang ang 4 na puntos mula sa mga drops at tip-ins upang maibalik sa tamang porma ang atake ng Lady Bulldogs sa second set.

Naging pangunahing tagatanggap ng mga pasa ni Lamina si leading scorer Michaela Belan na humataw ng 19 puntos (17 attacks, 2 blocks), gayundin sina team captain Princess Robles na may 16 points (15 attacks, 1 block) at Alyssa Solomon na may 14 puntos.

Nawala ang karaniwang magandang depensa ng Lady Bulldogs na tila naging magulo at wala sa porma ang mga reception at digs sa mga hataw ng Lady Eagles, kung saan nagbigay ito ng 9 na puntos mula sa errors kumpara sa 5 ng Ateneo.

Lumamang rin sa attacks ang Lady Eagles sa 13 laban sa 12 ng NU, habang mayroong 2 blocks at isang service ace itong naibuslo para sa 25-18 sa first set.

Nagawang makapag-adjust ng Sampaloc, Manila-based lady spikers pagdating ng second set nang magtulungan na sa paglikha ng mga atake sina Solomon, Belen at Sheena Toring upang makuha ang 19-12 na kalamangan.

Sinubukan pang lumapit ng Ateneo sa 17-19, ngunit desidido sina Ivy Lacsina, Belen at Robles na itabla ang laro kasunod ng 13 puntos mula sa atake at 3 blocks.

Mas lalo pang umigting ang opensa at depensa ng Lady Bulldogs nang ibuhos nila ang kabuuang 16 atake, 3 blocks at ang nag-iisang service ace sa third set upang matakasan ang masigasig at pursigidong Katipunan-based lady spikers para sa 25-19.

Tila pursigido sina Robles, Belen at Solomon na kunin ang kanilang ika-9th sunod na panalo sa fourth set nang magtulong-tulong na bumuhos ng atake upang makuha ang paniguradong playoff seat.

Nasayang naman ang 19 pts (17 attacks, 2 blocks) ni Vanie Gandler, habang nabantayan naman ang mga atake ni Faith Nisperos na tumapos lamang ng 11 points (9 attacks, 1 block, 1 ace) para bumagsak sa 4-5 kartada sa 6th place. (Gerard Arce)

Leave A Reply

Your email address will not be published.