Una sa Balita

Camella-Villar ginutom mga trabahador

0 528

NAGBANTA kahapon ang ilang daang manggagawa sa Camella Homes na patuloy nilang babarikadahan ang bukana ng subdivision sa Bacolod City hanggang hindi sila ibi­nabalik sa trabaho at pinasasahod nang tama ng kompanyang pag-aari ng pamilya ni Senator ­Cynthia Villar.

Ito ang ikaapat na araw ng rally ng mga construction worker sa ginagawang subdivision sa Barangay Alijis, ­Bacolod City.

Sinabi ni Noly Rosales, leader ng Kilusang Mayo Uno (KMU)-Negros chapter, hanggang ngayon ay misteryo pa rin sa mga trabahador ng Camella Homes kung bakit sila sinuspende ng isang Engineer Ken mahigit isang buwan na ang nakalilipas.

Idiniin ni Rosales na hindi makataru­ngan ang suspensyon sa kanila dahil hindi ito dumaan sa proseso.

Sinabi naman ni ­Jessie Rosallos, construction foreman, na dapat silang pabalikin sa trabaho dahil wala naman silang palpak para suspendehin.

Sa katunayan ay ang pamilya Villar pa nga umano ang may pagkukulang sa kanila dahil hindi sila pinasusuweldo nang tama at naaayon sa batas.

Wala aniya silang overtime pay gayung mahigit walong oras silang nagtatrabaho.

“Walang trabaho, walang kita kaya gutom ang pamilya namin,” ayon sa mga ito.

Samantala, hiningan ng reaksyon ng Abante ang tanggapan ng senadora pero iginiit ng isang tauhan nito na hinihintay pa nila ang report na manggaga­ling sa ­Camella Homes.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy