Una sa Balita

Camarines Sur judge pinatay ng kapitbahay na kaaway sa lupa

By ,
0 933

AWAY sa lupa ang motibo ng pagpatay sa isang 49-anyos na hukom sa Camarines Sur na binaril ng matandang kapitbahay Martes nang gabi sa kanilang lugar sa Zone 3, Brgy. Sta. Maria, bayan ng Presentacion.

Namatay habang ginagamot sa NICC Doctors Hospital dahil sa isang tama ng bala sa leeg si Judge Ricky Begino, may-asawa at presi­ding judge ng Metropolitan Circuit Trial Court (MCTC) sa San Jose at Lagonoy, Camarines Sur.

Naaresto naman sa follow-up operation ng Presentacion Municipal Police Station kahapon nang umaga ang suspek na si Wilfredo Armea y Bruzo, 72-anyos.

Ayon kay Senior Inspector Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police office, dakong alas-singko nang hapon nang sugurin ng suspek ang biktima sa bahay nito at nagtalo ang da­lawa kaugnay sa pinag-aawayang lupa hanggang sa bumunot ng maikling kalibre ng baril ang matanda at pinaputukan ang hukom na tinamaan sa leeg.

Matapos ang pamamaril ay agad tumakas ang suspek habang mabilis na dinala sa NICC Doctors Hospital ang biktima pero namatay din ito dakong alas-8:30 nang gabi.

Nakakuha naman ng impormasyon ang pulisya kung saan ­nagtatago ang suspek kung kaya’t naaresto ito kahapon nang umaga sa isinagawang follow-up operation.

Nabatid na pinag-awayan ng dalawa ang walong ektaryang ­lupang sakahan sa Brgy. Bicaben, Presentacion na pag-aari diumano ng suspek. Inamin umano ng suspek sa pulisya ang pagpatay sa biktima dahil hindi na siya kumikita mula sa ­nasabing lupain ­matapos na agawin sa kanya ang pagsasaka ng mga kaanak ni Begino.

Samantala, kinondena ni Supreme Court (SC) Acting Chief Justice Antonio Carpio ang ginawang pagpatay kay Begino at hiniling sa mga awtoridad na magsagawa ng masu­sing imbestigasyon para makamit nito ang agarang hustisya.

Nagpaabot din ng pakikiramay si Carpio sa naulilang pamilya ni Begino.