Una sa Balita

CALL CENTERS SAPUL!

By ,
0 6

Oktubre 2 pa lang ay inilutang na ni Sen. Panfilo Lacson ang pa­ngamba na “ma-disconnect” ang mahigit isang milyong Filipinong empleyado ng call centers sa bansa sa plano [noon] ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas sa Estados Unidos at kahapon ay dalawa pang senador ang bumusina dahil walang duda na first casualty talaga ng “Goodbye, US” statement kamakalawa ng Pangulo ang Business Process Outsourcing (BPO) industry sa Pilipinas.

Naniniwala si Sen. JV Ejercito, na dapat ay pinag-aralan nang mabuti ang hakbang na ito ng pamahalaan dahil sa negatibong epekto nito partikular sa BPO sector na milyun-milyong Filipino ang nagtatrabaho.

Maaari naman umanong isusulong ng pamahalaan ang independent foreign policy nang hindi kailangan putulin ang alyansa nito sa Amerika.

“This matter should have been studied tho­roughly. We could pursue an independent foreign policy without necessarily cutting ties with the US,” ayon kay Ejercito.

Gayundin si Sen. Joel Villanueva, ay nabahala sa epekto nito sa BPO sector na isa umanong $25-billion industry sa loob ng Pilipinas.

“The President doesn’t have to choose between the US and China in terms of economic partnership,” giit ni Villanueva.

Gayunpaman, umaasa ang senador na magbibi­gay ng malinaw na polisiya ang Pangulo na hindi naman makakaapekto ng masama sa kapakanan ng bansa.

“We are relying on the President to give us clear and strategic policies, not abrupt and off the cuff remarks that can have significant negative impact to the welfare of the nation,” dagdag ni Villanueva.

Sina Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan at Senate majority leader Vicente Sotto III, ay nalalabuan pa sa pahayag ng Pangulo.

“I don’t know what he means by ‘separation’? It’s hard to react to something I’m not sure of,” ayon pa kay Sotto.

Sa naunang babala ni Lacson pagpasok pa lang ng buwan ng Oktubre, sinabi na nito na imposible naman para sa mga taga-call centers na mag-aral ng Mandarin o ng Ruso para patuloy na makapagtrabaho oras na pumihit nang tuluyan ang Pilipinas sa pakikipag-partner sa China at Russia at tuluyang putulin ng Pangulo ang US ties.

Si Sen. Bam Aquino sa kabilang dako, nag-aalala rin para sa mga Pinoy sa abroad “We cannot cut ties with them (US and EU) dahil mara­ming Filipino ang nakatira at nagtatrabaho doon at marami silang mga investment dito.”­