Una sa Balita

Call center agent sa Pasay, bumulagta sa service road

0 5

Isang call center agent ang patay nang barilin ng tatlong ‘di nakikilalang gunmen kahapon ng madaling araw sa Pasay City.

Nagtamo ng dalawang tama ng punglo sa katawan na dahilan ng kamatayan nito ang biktimang si Mark Collantes Borromeo, 38, isang call center agent.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Dennis Desalisa, ng Pasay City Police, nakita na lamang ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa gilid ng service road sa Cuneta Astrodome, Pasay City.

Sa salaysay ni Ernesto Sarmiento, jeepney driver na nakakita sa krimen, bandang ala-1:30 ng madaling araw nang nakita niyang hinahabol at pinapaputukan ng baril ng tatlong lalaki ang biktima.

Sampung empty shells ang nakita sa crime scene habang natamaan rin ang ilang sasakyan na nakaparada sa lugar.

Masusi pang iniimbestigahan ang insidente para malaman ang motibo ng pagpatay sa biktima.