Una sa Balita

Call center agent, 2 pa tiklo sa Pasig buy-bust

By
0 132

Kulungan ang bagsak ng tatlong kilalang tulak kabilang ang isang call center agent, vendor at driver sa ikinasang buy-bust operations sa magkakahiwalay na lugar sa Pasig City, kamakalawa.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), unang naaresto si Donabel Ramos y Guillermo, 45-anyos, single, call center agent, at residente ng 98-C Dr. Sixto Antonio Ave, Brgy. Maybunga, bandang alas-nuwebe kamakalawa nang umaga sa Evangelista St., Brgy. Palatiw, Pasig City.

Ikinasa ang buy-bust makaraang makatanggap ng tip na nasa Brgy. Palatiw ang suspek at doon na nakipagtransaksyon ang isang pulis at bumili ng droga sa suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang limang sachet na naglalaman ng shabu at P200 buy-bust money.

Nabatid na ibinibenta ni Ramos ang droga sa kapwa call center agent na nakadestino sa gabi ang trabaho.

Samantala, bandang alas-11:00 naman ay naaresto si Omar Ampang y Umpar, 33, vendor at residente ng Bolante 11, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Nahuli ang suspek sa loob ng kanyang bahay sa ikinasang buy-bust operations at nakum­piska mula kay Ampang ang limang sachet ng shabu at P200 marked money mula sa isang pulis na umaktong buyer.

Isang driver naman ang nahuli na si Ronald Mesia Britanico, 40, residente ng 405 Dr. Sixto Antonio Ave., Brgy. Maybunga, Pasig City, bandang alas-11:30 nang umaga sa Evangelista Compound, Brgy. Palatiw, Pasig City.

Nakumpiska mula sa suspek ang limang sachet na naglalaman ng shabu at P200 buy-bust money.

Umaabot sa 15 sachet na naglalaman ng shabu ang nakumpiska mula sa tatlong tulak at dinala sa EPD-crime laboratory para sa pagsusuri.