Una sa Balita

Calida papasaklolo sa CA sa kaso vs Trillanes

By
0 741

Iaapela ng gobyerno sa Court of Appeals ang desisyon ng Makati Regional Trial Court sa kaso ni Senador Antonio Trillanes IV.

Sinabi ni Presidential Spokesman at Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na nakausap niya si Solicitor General Jose Calida at iaakyat ang naging desisyon ni Judge Andres Soriano sa Court of Appeals.
Hindi muna aniya didiretso sa Korte Suprema dahil mayroon namang mga remedyo pa.

Saka lamang aniya aakyat sa Kataas-taasang Hukuman kung wala ng natirang opsiyon sa kaso.

“Kausap ko si SolGen, a-appeal siya sa Court of Appeals,” ani Panelo.

May nakitang butas ang kalihim sa naging desisyon ni Judge Soriano kaya’t ito ang bibigyan-diin ng SolGen sa Court of Appeals.

Kinilala aniya ng korte ang proklamasyong inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte pero ayaw ni Soriano na muling buhayin ang mga kaso ng senador.

Bukod dito, sinabi ni Soriano na wala siyang hurisdiksiyon sa kaso pero dininig nito at dinesisyunan ang kaso.

“Hindi lang pinaasa, mali nga iyong argumento niya na wala siyang jurisdiction. Nag-assume nga siya ng jurisdiction eh.

At saka magiging inconsistent ka kapag sinabi mo iyong proclamation ay valid tapos hindi mo ire-revive ang kaso – may problema ka doon,” dagdag pa ni Panelo.