Una sa Balita

Calamari at pasta sa Venice

0 209

Sa isang tago at maliit na kalye sa Venice, Italy, naroon ang isang masarap na sikreto – mura pero napakasarap na calamares at pasta!

Bagong prito at tamang-tama ang lasa at kagat sa pusit na ibinalot sa espesyal­ na batter na ginagawa araw-araw ni Ash Barati, may-ari at cook ng Fried Land.

Sa halagang 8 euros, mabubusog ka na sa malalaking calamari fritti na pinipigaan ng lemon at may sawsawang personal na hinalo ni Ash.

Bukod sa calamari, potato fries at fried seafood, mayroon ding pasta sa Fried Land na nasa Campello de Furi, malapit sa simbahan ng Santa Geremia, kung saan naroroon ang katawan ni Santa Lucia, ang patron ng mga may problema sa mata.

Tinikman ko ang spaghetti ai frutti de mare na ang laman ay kaunting tahong, halaan, crayfish at tomato sauce. Nasarapan ako sa sauce na ayon kay Ash ay mula sa sikat na tomato sauce brand sa Ita­ly na Mutti, at saka niya hinaluan ng iba’t ibang seafood.

Fresh niyang ginagawa araw-araw ang pasta na pinaghalong harina, itlog, olive oil, asin at tubig. Hina-half cook na niya sa umaga, at saka lamang ifu-fully cook ang pasta kapag may o-order na. Kakaiba nga lang ang hitsura ng kanyang spaghetti pasta dahil mukha itong soba noodles. Pero tamang-tama lang ang pagkakaluto nito. Sa halagang 6 euros, mabubusog ka na.

Self-taught lang sa pagluluto si Ash na isang Afghan pero labingtatlong taon nang naninirahan sa ­Italy. Dati ay namamahala siya ng isang hostel sa Venice.­ Nang malaman ng mga nagrerenta roon na marunong siyang magluto ng pasta at pritong pusit at hipon, nagpapaluto ang mga ito sa kanya at saka siya binabayaran. Doon nagsimula ang ideya ng pagtatayo ng Fried Land.

May branch na siya sa Germany na itinayo ng isang kaibigan. Gusto niyang maikalat pa ang kanyang business sa ibang bansa at libre raw niyang ituturo ang paggawa ng kanyang calamari at pasta!

May nais ba kayong ibahaging kakaibang recipe o special menu ng inyong restaurant? Ipadala sa email: marou70@gmail.com o magpadala ng mensahe sa Facebook Page: Patikim Nga!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More