Calabarzon malaki ang pinsala kay ‘Maring’

By ,

Lumalabas sa inisyal na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang Region 4-A o Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ang grabeng hinagupit ng bagyong “Maring”.

Lalo na umano sa mga idinulot na mataas na pagbaha sa Cavite, Laguna at Quezon kaya aalamin din ang pinsala ng bagyo sa mga tulay at kalsada sa mga nasabing probinsya.

Sa ulat ng NDRRMC, umabot sa 169 na lugar ang lumubog sa baha dulot ng halos walang tigil na pagbuhos ng ma­lakas na ulan na dala ng bagyong “Maring”.

Pero, sinabi kahapon ni NDRRMC spokesperson Mina Marasigan na unti-unti nang humuhupa ang baha sa maraming lugar bagama’t may mga hindi pa rin madaanan dahil sa landslide at mataas pang baha.

Iniulat din ng NDRRMC na nakapagtala ang ahensya ng limang kataong nasawi sa bagyong “Maring”.

Dalawa sa casualty ay taga-Taytay, Rizal, isa sa Lucena City sa Quezon, isa sa Pasay City at isa sa Silang, Cavite.

Samantala, isinailalim sa state calamity ang buong lalawigan ng Laguna dahil sa pinsalang dulot ng bagyong “Maring”.

Inaprubahan sa special session ng Sangguniang Panlalawigan ang pagdedeklara ng state of calamity.

Nabatid kay Laguna Gov. Ramil Hernandez na umabot sa 1,600 pamilya na binubuo ng 6,000 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo at mga pagbaha sa Laguna. Umabot din umano sa P13 milyong halaga ng imprastraktura ang nasira.

Wala pa silang datos sa mga nawasak sa agrikultura dahil hinihintay pa ang report ng bawat bayan. 


SHARE