Una sa Balita

CALABARZON lubog sa baha

By
0 20

Lubog sa baha ang maraming lugar sa CALABARZON o Region 4-A dahil sa halos magdamagan at maghapong buhos ng ulan dulot ng bagyong ‘Maring’ na nakapaloob sa habagat.

Sa Laguna, base sa monitoring ng Laguna Action Center, labintatlong bayan at lungsod ang nakakaranas ng hanggang tuhod na taas ng tubig baha.

Kabilang dito ang mga bayan ng Calauan, Nagcarlan, Paete, Siniloan, Mabitac at mga siyudad ng San Pedro, Cabuyao, Calamba at Sta Rosa.

Hindi na madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang Nagcarlan-Sta. Cruz road, Nagcarlan-Calauan road, at Nagcarlan to San Pablo road dahil sa landslide.

Ayon kay Rommel Palacol, head ng Laguna Action center, (as of posting time) nasa 157 pamilya na ang nasa mga evacuation centers sa bayan ng Los Banos, Nagcarlan, Lungsod ng Cabuyao at San Pedro.

Binabalak na rin ng pamahalaang lokal na magdeklara ng state of calamity sa Laguna dahil sa matinding pagbaha.

Sa Lalawigan naman ng Quezon, lampas tao ang baha sa bayan ng Atimonan kasama ang bahagi ng Maharlika highway kaya maraming motorista at pasahero papuntang Bicol Region ang stranded sa daan.

Nagkaroon din ng landslide sa Maharlika highway sa Barangay Binutas sa Calauag at hindi na rin ito madaanan ng mga sasakyan.

Binaha rin ang bayan ng Pitogo, Agdangan at Tiaong.

Isang DLTB bus na galing Bicol ang na-stranded sa gitna ng baha matapos pilitin ng driver na itawid ito sa mataas na baha.

Dahil malakas ang ragasa ng tubig, umakyat na lamang sa bubong ang mga pasahero habang isinasagawa ang rescue operation.

Sa Batangas, 190 pamilya ang inilikas sa mga evacuation center matapos bahain ang ilang barangay na kinabibilangan ng Brgy. Manghinao, Sto. Domingo, San Roque, Poblacion at  Aplaya sa Bayan ng Bauan at mga bayan ng San Pascual, Malvar at Batangas City.

Sa Silang, Cavite, isang babae ang napaulat na nawawala matapos tamaan ng landslide ang Barangay Adlas.

Ayon kay Cavite Governor Jesus Crispin Remulla, binaha rin ang mga lugar ng Brgy. Magdalo at Balsahan sa Kawit; lahat ng barangay sa bayan ng Noveleta; Barangay Bagbag at Ligtong sa Rosario; Brgy.  Barangas Labac, Mabulo, Bancaan at Ibayo Silang sa Naic.