Una sa Balita

Cagayan vice mayor, niratrat

0 0

Bulagta ang isang bise alkalde ng Pamplona, Cagayan matapos itong pagbabarilin ng riding in tandem habang nasa isang pagtitipon sa bahay ng kanyang kaibigan nitong Biyernes ng gabi.

Ang bise alkalde na napatay ay kinilalang si Aaron Sampaga, 39, ng Pamplona, Cagayan na pinagbabaril dakong alas-11:20 ng gabi.

Ayon kay Senior Insp. Francis Pattad, Pamplona police chief, nagpapaha­ngin umano ang bise alkalde sa tabing ilog sa Bgy. Masi nang biglang pinagbabaril ito ng ‘di pa nakikilalang mga suspek.

Ang mga gunmen ay dumaan sa isang makeshift road patungo sa bahay ng matalik na kaibigan ng biktima na si Rodolfo Guzman sa Bgy. Masi kung saan ay mayroong pagtitipon.

Idineklarang dead on arrival si Sampaga sa ospital. Wala namang ibang nasaktan sa nasabing pangyayari.

Nakuha ang anim na basyo ng bala ng M16 na rifle at dalawang basyo ng bala ng caliber .45 na baril sa lugar kung saan naganap ang pamamaril.

Patuloy pa ang im­bestigasyon ng pulis kaugnay sa motibo sa likod ng pamamaril at pagkakakilanlan ng suspek.

Si Sampaga ay na­ging three-termer Pamplona mayor bago ito kumandidato at nanalong vice mayor nitong nakaraang eleksyon.

Ang kanyang kapatid na si Arnie Angelica Sampaga, ang pumalit sa kanya.

Si Sampaga ay inakusahan at kinasuhan ni dating vice ma­yor Edwin Ifurung kaugnay sa umano’y pagpatay sa kapatid ng huli na si Edmund Ifurung noong July 3, 2014 sa kanilang fa­mily-owned gasoline station sa Bgy. Bidduang sa nabanggit na lugar.