Una sa Balita

Cagayan nagpapasaklolo

By ,
0 4

Nanawagan ng tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan para sa pagbangon ng mga residente lalo na ang mga nawalan ng tahanan, nasiraan ng mga pananim at iba pang pangkabuhayan.

Ang panawagan ay ginawa ni Cagayan Go­vernor Manuel Mamba dahil ilang bayan umano sa lalawigan ay nananataling isolated pa dahil sa mga baradong kalsada at pagsak pa rin ang komunikasyon bunsod ng pananalasa ng bagyong Lawin.

Ayon kay Mamba, ang mga bayan ng Tuao, Rizal, Piat at Sto. Niño ay hindi pa nararating kahit ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na tumutulong sa clearing operations.

Kinumpirma ni Mamba na tatlo ang nasawi sa Cagayan dahil sa pananalasa ng bagyong Lawin na kinilalang sina Rosita Rumbao ng Brgy. Hacienda Inatal, Baggao; Shirley Baccay, isang guro sa University of St. Louis Tuguegarao at isa pang hindi kinilala.

Samantala, pito na ang kumpirmadong nasawi sa hagupit ng Bagyong Lawin sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Ito ang inihayag ni Mina Marasigan, spokesperson ng National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na nagsabing bukod sa pitong kumpirmadong nasawi, may tinanggap pa silang report na may lima pang iniulat na nasawi pero patuloy pa rin nila itong kinukumpirma.

Kinilala ang mga nasaKasabay nito, sinabi pa ni Marasigan na may mga kinukumpirma pa rin silang report na may mga nawawala pa mula sa Ifugao at Cagayan.

Tinatayang may P26 milyong halaga sa agriculture sector ang napinsala sa Abra, Benguet, Ifugao, Kalinga, Apayao at Mountain Province.

Umaabot naman sa 1,013 kabahayan ang nawasak.

Samantala, magsasagawa ng aerial inspection ang NDRRMC sa mga lugar na sinalanta ng Sypertyphoon Lawin gaya ng sa Cagayan Valley, Ilocos Region at CAR kasabay din ng pagsasagawa ng clearing operation.

Sinabi ni Marasigan na agad ipaaalam kay Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging resulta ng inspeksyon kasunod ng pagsasailalim na rin sa state of calamity ang mga lalawigan ng Cagayan.

Prayoridad din ng NDRRMC na maibalik agad ang suplay ng kuryente at komunikasyon sa mga nasalantan.