Una sa Balita

Cagayan municipal councilor todas sa NPA

By
0 1,550

PINAGBABARIL hanggang sa mapatay ang isang municipal councilor ng Allacapan, Cagayan ng riding-in-tandem na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa harapan ng pag-aari nitong wel­ding shop kamakalawa nang hapon.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang nakilalang si Ronel ‘Zaldy’ Millare, municipal councilor ng nasabing bayan at retiradong miyembro ng Philippine National Police (PNP).

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 nang hapon habang nakatayo ang biktima sa harapan ng kanyang welding shop nang dumating ang dalawang armado ng baril lulan ng motorsiklo at malapitang pinagbabaril si Millare.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek at makalipas ang ilang oras ay inamin ng NPA sa ilalim ng Danilo Ben Command na nag-o-operate sa West Cagayan ang pamamaslang sa konsehal.

Ayon kay Crispin Apolinario, spokesperson ng grupo, kaya nila hinatulan ng parusang kamatayan si Millare ay dahil sa pagtatrabaho umano nito bilang kasapi ng isang intelligence unit ng gobyerno.