Una sa Balita

Cagayan, Isabela inalerto sa pagbaha

By
0 6

Inalerto na ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) ang publiko sa mga bayan ng Cagayan at Isabela para sa inaasahang pagbaha bunsod ng pagtaas ng ilog dulot ng malakas na pag-ulan sapul pa kamakalawa.

Sa abiso ng LDRRMC, nakapagtala na ng pagtaas ng tubig sa Ganano, Magat at Siffu River at nagbabadya ang pagbaha sa mga mabababang lugar sa mga bayan ng Echague, Jones, Angadanan, Alicia at Cauayan sa lalawigan ng Isabela.

Siyam na bayan pa sa Isabela ang posibleng bahain partikular ang Naguilian, Gamu, Ilagan, Tumauini, Delfin Albano, Sto. Tomas, Cabagan, Sta. Maria at San Pablo dahil sa pagtaas ng tubig sa Pinacanauan River.

Samantala, sa lalawigan naman ng Cagayan, labingtatlong bayan ang nanganganib na bahain.
Batay sa flood advisory, apektado rin ng pagtaas ng tubig sa Pinacanauan River ang mabababang lugar sa Tuguegarao City, Enrile, Tuao, Solana, Iguig, Amulung, Alcala, Gattaran, Lallo, Lasam, Baggao, Camalaniugan at Aparri.

Payo ng lokal na pamahalaan sa mga residente ng mga nabanggit na bayan, mag-antabay sa posibleng patuloy na pagtaas ng tubig sa ilog.

Nakaalerto na rin ang mga tauhan ng PDRRMC sa Cagayan at Isabela kung saka-sakaling kailanganin na magpatupad ng karampatang aksyon.