Una sa Balita

Cabinet member na shopaholic

0 985

Nawindang daw ang mga staff ng isang miyembro ng Gabinete dahil sa hilig ng kanilang boss na mag-shopping tuwing ito’y nasa abroad.

Nasanay daw kasi ang mga staff na kapag sila ay nakasama ng Pangulo sa state visit, trabaho muna ang inaatupag bago maglakwatsa.

Pero itong government official, aba’y konting trabaho lang ang ginawa, nagliwaliw agad sa mga bansang kanilang pinupuntahan.

Dahil boss nila ito, lagi naman daw nakabuntot ang mga staff dahil baka may biglang ipag-utos na karagdagang trabaho.

Subalit laking gulat nila na ang ibinigay na utos sa kanila ay mamili din sa mga shopping center na kanilang pinuntahan.

Kung minsan, kasama pa daw ng cabinet member ang kanyang misis sa pamimili sa abroad, kulang na lang ay bitbitin sina ate at kuya, pati na ang mga kapitbahay.

Malaki daw ang kaibahan ng cabinet member sa mga dating namuno sa ahensiyang ito dahil trabaho ang kanilang prayoridad at hindi ang pagsa-shopping.

Pintahan nyo na. Ang cabinet member na hilig mag-shopping sa abroad ay hindi kasama sa unang batch na iti­nalaga ng Pangulo. May letrang A sa kanyang pangalan as in Alkansya.