Una sa Balita

Cabagnot, Lassiter, Thompson pinabilib si Guiao

PASIKLAB!

By
0 1,449

IMPRESIBO kay coach Yeng Guiao ang pinapakita ng mga bagong addition sa binuo niyang national team, lalo kina guards Alex Cabagnot, Marcio Lassiter at Scottie Thompson.

Mamayang gabi ay aalis na ang Team Pilipinas papuntang Tehran para harapin ang Iran sa second window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Alas-otso nang gabi (oras sa Manila) ang tipoff ng Pilipinas-Iran game sa Azady Gym.

Sa isang linggong praktis sa Meralco­ Gym, inilatag ng coaching staff ang offensive sets at plays para magamay ng mga bagong dagdag sa pool kabilang sina Cabagnot, Lassiter, Thompson, Japeth Aguilar, Greg Slaughter at Ian Sangalang.

“I’m really happy with the progress of the guards like Cabagnot, Scottie Thompson and Marcio,” ani Guiao. “While the bigs like Ian Sangalang, Japeth, and Greg, the plays are a little bit complicated from the standpoint of the bigs so it will take a little bit time for the bigs to understand.”

Para kay Guiao, nasa 75 percent na ang team, naihulma na ang patterns kontra Iran. Hahasain pa nila ito sa mga susunod na araw pagdating sa Tehran.

Naka-braces pa rin ang kaliwang paa ni Slaughter dahil sa sprained ankle na inabot sa huling laro ng Ginebra kontra NorthPort, pero inaasahang makakalaro kontra Iran.

Ang iba pa sa Team Pilipinas pool ay sina Gabe Norwood, Beau Belga, Raymond Almazan, Poy Erram, Asi Taulava, Christian Standhardinger, Stanley Pringle, Paul Lee, Allein Maliksi at Matthew Wright.

Sa nag-iisang tune-up game ng Nationals bago ang FIBA game, tinalo ng team ni Guiao ang PBA D-League selection IECO Green Warriors 99-82 kahapon nang umaga.

Hindi naglaro sa Team Pilipinas sina Slaughter at Standhardinger (stomach flu), pero kontento si Guiao sa bilis ng kanyang players.