Una sa Balita

Buzzer-beating trey ni Wright bongga

0 440

NAGMISTULANG one man demolition crew si Matthew Wright matapos nito ­pamunuan ang Phoenix Pulse Fuel Masters Biyernes nang gabi sa maigting na 120-117 panalo sa overtime kontra ­Blackwater Elite sa pagtatapos ng kanilang mga laban sa 2019 PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Isang tres ni Wright sa natitirang 1.0 segundo ang nagtulak sa Phoenix upang tuluyang agawin ang panalo at bitbitin ang kabuuan nitong ikatlo sa loob ng 11 laro.

Nakawala si Wright mula sa kanyang bantay upang ihulog ang pampanalong tres na pumutol sa limang sunod na kabiguan ng Fuelmasters kahit na tuluyan na itong napatalsik sa torneo.

Kinolekta ni Wright ang kabuuang 28 puntos, anim na rebounds at apat na assists para sa Fuel Masters.

Tatlong sunod na tres din Wright sa regulasyon ang huling nagtabla sa laban sa 109-109 sa natitirang 16.2 segundo tungo na sa pagtulak sa laro sa dagdag na limang minuto.

Una namang itinala ng Elite ang pinakamalaki nitong abante na 14 puntos sa 1:41 ng ikatlong yugto, 78-64, mula sa lay-up ni Mac Belo. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy