Buwaya nahuli sa creek

By

Nasilo ng mga residente ang isang buwaya na may habang dalawang metro sa isang sapa sa Balliao, Benito Soliven, Isabela kamakalawa.

Ayon kay Sr. Insp. Joel Bumanglag, hepe ng Benito Soliven Police, ang buwaya ay nahuli ni Edilberto Ortaleza sa isang creek na malapit sa kanyang pag-aaring fishpond.

Ayon pa kay Bumanglag, nagulat na lamang si Ortaleza nang makita ang buwaya na nalambat sa pamamagitan ng isang pain na para sa baboy ramo.

Una rito, ipinabatid sa kanilang himpilan ni Mr. Erwin Napole, ang Barangay Nutrition Scholar ng Balliao, Benito Soliven, Isabela, ang pangyayari kaugnay sa pagkakahuli ng naturang buwaya.

Kinumpirma rin ni Bumanglag na nakiki­pag-ugnayan na sila sa Mabuwaya Foundation na nakahimpil sa San Mariano, Isabela, para ipasakamay ang pangangalaga sa buwaya.

Ayon pa kay Bumanglag, posibleng sa Cadsalan, San Mariano, Isabela, galing ang buwaya na malapit lamang sa nabanggit na lugar. 

SHARE