Una sa Balita

BUTCHER KINATAY NG MAGKAPATID

By
0 12

Katulad ng kanyang trabaho ay mistula rin kinatay ang isang 32-an­yos na butcher ng magkapatid na kapitbahay din ng biktima na nagalit dahil sa umano’y wala sa lugar na pagkukuwento nito habang nag-iinuman ang kanilang grupo sa Brgy. Sangandaan, Quezon City.

Nagtamo ng mara­ming tama ng malalalim na saksak sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan ang biktima na nakilalang si Peter Mike Saysi y Galario, single, tubong Oriental Mindoro at naninirahan sa No.72 Insurance St., Proj. 8 ng nasabing barangay. 

Habang tinutugis naman ng mga awtoridad ang mag-utol na suspek na sina Joey at Jerry Placiente, kapwa nasa hustong gulang at naninirahan din sa nabanggit na lugar ng biktima. 

Abante Hiring – IT dep

Sa imbestigasyon ni SPO1 Ronnie Ereño, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), base sa naging pahayag ni Rommel Nacor, kasalukuyan umano silang nag-iinuman ng biktima at ng mag-utol na suspek dakong alas-5:00 ng hapon sa isang lugar sa kahabaan ng Insurance St., Proj. 8, Brgy. Sangandaan.

Subalit sa kanilang ma­sa­yang inuman at ku­wentuhan ay bigla uma­nong ipinasok ng biktima ang usapan sa pagkamatay ng pinsan nito na nagngangalang Rico.

At sa hindi malaman kadahilanan ay bigla nalang umanong nagalit ang magkapatid at unang nag pakita ng kanyang galit ang suspek na si Joey Placiente nang basta nalang sinuntok nito sa mukha ang biktima.

Sa puntong ito ay mahilo-hilo at halos paiki­­­­s- i­kis umanong nagtatakbo pauwi ang biktima para iligtas ang kanyang buhay subalit hinabol ito ng mga suspek at nang maabutan ay agad na bumunot ng balisong ang suspek na si Jerry Placiente at pinagsasaksak ang nagmamakaawa pang biktima.

Gayunpaman, parang wala umanong naririnig ang mga suspek at tuluy-tuloy ang pananaksak hanggang sa bumulagta ang biktima.

Sa akalang patay na si Saysi ay dito magkasabay na tumakas ang mag-utol na suspek. Agad naman tinulungan ang biktima na isugod sa Quezon City General Hospital (QCGH) subalit dahil sa dami umano ng tinamong malalim na saksak nito kung kaya binawian din ng buhay dakong alas-5:00 ng madaling-araw kahapon.