Una sa Balita

Butas-bangko si Butler

By
0 892

KAKAIBA sa nakagawian ang Team LeBron vs. Team Stephen format ng katatapos na 67th NBA All-Star Game sa Staples Center sa Los Angeles ­nitong Linggo (Lunes sa ‘Pinas).

Walang palpak, hindi nakakaantok.

Maliban sa isang insidente: Hindi naglaro si Minnesota Timberwolves wingman Jimmy Butler para sa koponan ni Stephen Curry.

Nakabihis naman si Butler, pero hindi sumalang.

“Rest. I have to rest,” simpleng pahayag niya sa mga reporter pagkatapos ng 148-145 win ng Team LeBron.

Importante daw sa kanya ang season ng Timberwolves, kaya kailangang sariwa ang tuhod pagsabak ulit.

Sumagot sa Twitter si Los Angeles Clippers guard Lou Williams (@TeamLou23): “@JimmyButler u serious bruh? Lol.”

Sina Williams at Houston Rockets guard Chris Paul ay waiting sa sidelines para pumalit sakaling umayaw si Butler bago ang laro.

Dating Sixth Man of the Year ang 13-year ve­teran na si Williams, pero hindi pa naging All-Star.

Siyempre ay maraming player ang gigil sa puwesto ni Butler, tinanggap ang pagkakasali sa roster pero hindi man lang lumaro kahit isang minuto.

Tinanggap na lang ni Mike D’Antoni, coach ng Team Steph, ang rason ni Butler: “He was tired and he just felt his legs weren’t there.”