Una sa Balita

Bus vs jeep: Konduktor tumalsik sa ilog

0 5

Patay ang isang konduktor makaraaang ito ay mahulog sa ilog nang magsalpukan ang sinasakyan nitong bus at isang jeep sa gitna ng tulay sa Diversion Road, Maharlika Highway sa Lungsod ng Lucena kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Senior Supt. Eugenio Paguiri­gan, provincial director ng Quezon PNP ang nasawi na si Reynaldo Teofilo, residente ng Tagkawayan Quezon.

Nasa kritikal namang kondisyon ang driver ng nakabanggang  jeep na si Arnel Barbacena.

Sugatan ding isinugod sa ospital ang anim pang katao kabilang ang isa pang sakay ng jeep na si Lenard Malian, 16-anyos at ang limang pasahero ng bus na sina  Remy Reyes, Alma Glinoga, Ariel Quisto, Kenneth Hernandez at Maricris Llabon.

Batay sa report ng Lucena PNP, dakong alas-4:30, magkasalubong na tumatakbo ang dala­wang sasakyan nang sakupin umano ng AB Liner Bus (DWU 555) na patu­ngong Tag­kawayan, Quezon ang linya ng northbound jeep (CHU 750) na kargado ng mga coco lumber na humantong sa head on collision ng da­lawang sasakyan.

Sa lakas ng impact natanggal ang buong bubong ng jeep habang bumangga naman sa railings at muntik ng mahulog sa tulay ang bus.

Tumilapon  umano buhat sa loob ng bus ang konduktor at diretsong bumagsak sa mabatong bahagi ng ilog na may 50 feet ang lalim.

Dead on the spot ang konduktor habang ina­resto naman ng mga pulis ang driver ng bus na si Albero Jubilo at nakatakdang sampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide at Multiple Physical Injuries.(Ronilo Dagos)