Una sa Balita

Bus tiket ginawangtoga ng UST magna cum laude

0 2,827

Hindi ininda ni Mark James Capulong ang mahabang biyahe mula San Pedro, Laguna para lang makapasok sa University of Sto. Tomas sa España, Maynila at pabalik araw-araw.

Higit apat na oras ang ginugugol ni Capulong sa araw-araw na biyahe sa loob ng apat na taon.

Sa kabila nito, nagtapos pa rin siyang magna cum laude sa kursong AB Economics sa graduation day nito sa UST noong Hunyo 4.

Inipon ni Capulong ang mga tiket sa bus sa loob ng apat na taon niyang pagko-commute at ginawa niya itong palamuti sa kanyang toga.

Ipinost niya ito sa Facebook at nagustuhan naman ng maraming nakakita ng kanyang larawan sa social media.
Natutuwa man ang iba sa kakaibang toga ni Capulong, ngunit malalim ang pinaghuhugutan ng mga bus ticket na ito.

Maaga siyang gumigising para makapagbiyahe agad dahil alas-7 ng umaga ang simula ng kanyang klase. Kung minsan, natatapos ng alas-9 ng gabi ang huli niyang subject. Maraming beses na rin niyang naranasan ang matinding trapik sa SLEX.

Kahit pinayuhan ng kanyang amang nagtatrabaho bilang senior field engineer sa Saudi Arabia, na mag-dorm na lang sa Maynila, pinili ni Capulong na magbiyahe na lang araw-araw upang sa gayon ay magsilbing kuya sa mga kapatid sa kanilang bahay sa San Pedro.

“I came to be that kuya who acted somehow like a father na din for them. I had to make a lot of adjustments, especially in the very beginning of my college life. I had the goal of graduating with Latin honors,” paliwanag ni Capulong.

“Kahit gaano man kahirap ang mag-commute papasok ng Maynila at pauwi ng probinsiya, iindahin lang namin lahat ng ito dahil siguro mas pipiliin pa naming umuwi sa aming mga tahanan, dahil saan ka man magpunta, sa tahanan mo lang mararanasan ang kalinga ng pamilya,” saad ni Capulong.

Kahit nakatapos na ng pag-aaral, mahaba pa ang biyahe ng buhay ni Capulong lalo pa’t inirekomenda siya ng UST na magtrabaho bilang language instructor sa Madrid, Spain.
Lilipad siya patungong Spain ngayong Oktubre.