Una sa Balita

Bus sumalpok sa poste 10 sugatan sa Zambales

By
0 150

SUGATAN ang 10 katao na kinabibilangan ng driver at konduktor matapos na sumalpok ang kanilang bus sa isang kongkretong poste sa kahabaan ng national highway sakop ng bayan ng San Antonio, Zambales kamakalawa nang hapon.

Kinilala ang mga sugatang biktima na sina Richie Pascasio, 42-anyos; John Angel Pascasio, 8; Corazon Peralta, 67; William Perlas, 31; Michael Angelo Rabanal, 31; Alma Damaso, 41; Adelaida Olegario, 36, at isang hindi pa kilalang babae na kritikal ang kalagayan sa San Marcelino District Hospital.

Samantala sugatan din ang driver ng naaksidenteng Acebedo bus na si Pablito Fuerte, 62, at konduktor na si Christoper Borga, 43.

Ang mga ito ay agad dinala sa Rural Health Unit ng bayan ng San Antonio upang lapatan ng paunang lunas bago ilipat ang ilang malubhang biktima sa ibang pagamutan.

Ayon kay PO2 Christian Sayson, may hawak ng kaso, dakong alas-5:35 nang hapon nang maganap ang insidente sa Brgy. Burgos ng bayang ito.

Napag-alaman na mabilis na tinatahak ng bus ang nabanggit na lugar nang bigla na lang hindi kumagat ang preno na dahilan upang sumalpok ito sa konkretong poste.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para sa ikalilinaw ng kaso.