Una sa Balita

Bura VP, pagkadesperado — Leni

By
0 847

DESPERADO na ang tawag ni Vice President Leni Robredo sa mga nagtutulak na i-etsapuwera na ang Bise Presidente bilang kahalili ng Punong Ehekutibo batay sa itinutulak na panukalang Federal Constitution.

Paniwala ni ­Robredo, lahat na lamang ay iniisip kung paano siya matanggal o paalisin sa puwesto.

“Naisip ko, parang masyado naman yatang desperado. Lahat na lang iniisip kung paano ako matanggal,” ayon kay Robredo.

Ayon pa kay Robredo, maaaring alam ng mga nagtutulak ng panukala na hindi magtatagumpay ang inihaing electoral protest laban sa kanya kung kaya’t naghanap ng ibang paraan para lamang mawala siya.

“May kaso sa Supreme Court. Siguro alam nila na hindi magpo-prosper. Kung ano-ano,” ayon pa kay Robredo.

“Mabuti naman nagsalita na iyong ibang congressman, iyong mga senador. Si Senate President Sotto mismo, nagsalita na, na hindi ito makakalusot sa Senado,” ayon pa kay Robredo.

Hindi man direktang tinukoy ni ­Robredo, ngunit hindi naman mapagkakaila ang paghahabol ni da­ting Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na naghain ng protesta ­laban sa kanya.