Una sa Balita

Bumubuhos ang biyaya sa mga tripulante

0 565

Kung may hirap, may ginhawa.

Ganito ang tila kondisyon ngayon ng 22 mangingisdang Pinoy na binangga o nabangga ng Chinese vessel sa Recto Bank.

Matapos kasing makaranas ng trauma at panlalait ay mukhang ibayong ginhawa sa buhay ang naghihintay sa mga tripulante.

Ito ay dahil sa sunud-sunod na grasyang tinatanggap ng ating mga kababa­yang mangingisda.

Noong nakaraang araw ay binigyan ng tig-iisang bangka ang mga crew ng FB Gem Ver 1, bigas, pinansyal na tulong, at livelihood project plus scholarship sa kanilang mga anak.

Kahapon ay ibayong biyaya ang dumating dahil binigyan ni Vice President Leni Robredo ang mga ito ng tig-P50K na tulong.

Ang wish lamang natin ay magamit sana sa tama ng mga mangi­ngisda ang bawat biyayang kanilang natatanggap dahil talaga namang buhay ang kanilang kapalit ng kanilang ginawa.

***

Hindi pa rin maayos ang sigalot sa Philippine Olympic Committee (POC).

Aba’y ilang buwan na lamang ay magaganap na ang pagho-host natin ng Southeast Asian Games pero ano itong narinig natin na matindi pa rin ang politika sa loob ng tanggapang ito.

Baka nakakalimot ang mga punong abala sa POC sa November 30 hanggang December 11 ngayong taon na po magaganap ang Southeast Asian Games kaya anumang mga isyung gumugulo sa inyo ay maresolba na sana.

Hindi magandang nagkakagulo sila habang dapat ay nakatutok na sila sa paghahanda sa Southeast Asian Games.

Sad to say kapag hindi kasi naayos ang matinding politika sa loob ng POC ay baka hindi lamang mangamote ang  ating mga atleta sa halip ay mapahiya pa tayo kapag lumutang sa SEA Games ang kakula­ngan ng preparasyon.

Sa ngayon ay may isyu pa sa liderato ng POC kasunod ng pagbibitiw ni POC President Ricky Vargas dahil sa usapin ng kwalipikasyon. Si Jose Romasanta ang siyang dapat na magiging ­kahalili nito.

Kanya nga lamang ayon kay POC Chairman Abraham Tolentino, hindi raw kuwalipikado si Romasanta gayundin si 2nd Vice President Antonio Tamayo.

Sa ilalim ng POC Bylaws Article 7, ang dapat maging presidente ng POC ay may kasalukuyang puwesto bilang presidente ng Olympic Sport-NSA. Sa Section 11 ng Article 7, nasasaad naman na ang presidente ng POC ay kailangang may apat na taong karanasan  bilang NSA President ng isang Olympic Sport sa araw ng eleksyon sa pagka-POC President. Kailangan din na halal sila ng incumbent NSA presidents na kumakatawan sa Olympic sport. Kailangan din na sila ay aktibong miyembro ng POC General Assembly sa mahigit na dalawang magkakasunod na taon sa araw ng halalan.

Vice president ng volleyball si Romasanta habang si Tamayo ay Soft Tennis president na hindi naman Olympic sport.

Masalimuot talaga ang isyung ito lalo na’t si Vargas ay sinasabing napilitan lamang bumaba sa puwesto dahil sa pressure mula sa POC board.

Binutasan si Vargas sa isang transaksyon nang walang basbas ng POC board.

Well, ganun talaga kapag sumalto!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More