Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bumoto ka ba ng tama?

0 74

Tapos na ang makasaysayang botohan at ang resulta ng opisyal na bilangan na lamang ang hinihintay para pormal na mailuklok sa pwesto ang mga susunod na lider ng bansa.

Sa mga lokal na posisyon, posibleng may naideklara nang nanalo mga Kabalitaktakan, subalit iba ang sitwasyon pagdating sa national position.

Ito’y dahil puro “partial and unofficial count” pa lang ang inilalabas sa pwesto ng presidente, bise-presidente at mga senador ngayon.

Sa naturang resulta mga Kabalitaktakan, si dating senador Ferdinand “Bong-bong” Marcos Jr ang nangunguna sa “presidential race” na sinusundan ni Vice President Leni Robredo.

Si Davao City Mayor Sara Duterte naman ang nangunguna sa “vice presidential race” na sinusundan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan.

Bagamat malaki na ang kalamangan nina Marcos Jr at Mayor Duterte kina VP Leni at Senador Pangilinan na pinaka-malapit sa lahat ng naglalaban base sa “partial and unofficial count” mga Kabalitaktakan…

umaasa pa rin ang kampo ng ikalawang pangulo na mababago pa ang resulta ng bilangan dahil may mga boto pang hindi nabibilang, kasama na ang sinasabing mula sa mismong balwarte ni VP Leni.

Maging si dating senador Marcos Jr sa kanyang speech ang nagsabi na bagamat malaki na ang lamang nya base sa bilangan, hindi pa rin dapat maging kampante hanggat hindi pa nabibilang ang lahat ng boto.

Anu’t-anuman ang maging pinal at opisyal na resulta ng bilangan sa idinaos na halalan mga Kabalitaktakan…dapat lamang na igalang ito ng sambayanan.

Aminin man o hindi, nagresulta sa pagkakahati-hati nating mga Pilipino ang halalang ito dahil sa pagkaka-iba ng mga kandidato na ating ikinampanya, sinuportahan at ibinoto.

Hindi lamang relasyon ng magkaka-opisina, magka-kapitbahay, magka-kaibigan at magkakamag-anak…kundi maging magkaka-pamilya ang na-apektuhan ng nakalipas na halalan.

Malalim ang sugat na nilikha ng yugtong ito sa atin bilang bansa at mamamayan mga Kabalitaktakan kaya’t maaaring matagalan pa bago tuluyang maghilom.

Hindi rin naman natin masisisi yung mga kababayan nating hindi matanggap ang inisyal na resulta ng bilangan…

dahil ito sa mga ulat ng kapalpakan tulad ng sablay na VCM, talamak na vote-buying at kabiguan ng marami na makaboto bunsod ng ibat-ibang kadahilanan.

Gayunman, naniniwala ako na sa huli…matututunan din nating tanggapin anuman ang maging pinal at opisyal na resulta ng bilangan at sinuman ang mailuklok na susunod na mga lider ng bansa.

Bigyan natin sila ng pagkakataon na patunayan na karapat-dapat silang pamunuan ang bansa at hindi sayang ang bawat boto na ipinag-katiwala sa kanila ng mamamayan.

Bilang pang-huli, isa-isip natin mga Kabalitaktakan ang sinabi ni Reverend Father Eduardo Apungan na: “Kung ibinoto mo ang tama at natalo, panalo ka pa rin. Pero kung ibinoto mo ang mali at nanalo, talo ka pa rin”!

Hanggang dito na lang muna mga Kabalitaktakan, sama-sama nating ipanalangin ang ating bansa at ang mga susunod na lider natin. Staysafe at GOD Bless, yun oh🧔

Leave A Reply

Your email address will not be published.