Una sa Balita

Bumida sa BBC: Jessie J suko sa husay ng TNT Boys

By
0 1,222

Tuloy pa rin ang pagtaas ng TNT Boys ng bandera ng bansa at pagpapabilib sa buong mundo ngayong pasok na sila sa next round ng international talent competition na “The World’s Best,” at nailathala pa sa website ng kilalang news organization na BBC.

Pinahanga ng trio nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez, at Francis Concepcion ang “The World’s Best” Ameri­can judges na sina Faith Hill, RuPaul, at Drew Barrymore sa makatindig-balahibong version nila ng “Listen” sa pilot episode ng programa na inere pagkatapos ng Super Bowl sa CBS.

Nagkamit ang performance nila ng 99 points para ipagpatuloy ang laban sa kumpetisyon, o higit pa sa minimum na 75 points na kailangang makuha mula sa pinagsamang scores ng tatlong hurado at ng “wall of the world,” na binubuo ng 50 sa pinakamatatagumpay na eksperto sa mundo ng entertainment.

Dahil sa isa na namang trending performance ng bigshot trio, may pagkakataon pa silang mag-uwi ng $1 mil­yon at tanghaling “The World’s Best.”

Samantala, patuloy ring kinikilala ang ta­lento ng TNT Boys sa ibang bansa matapos silang mailathala sa website ng isa sa pinakama­laking news organizations sa mundo na BBC.

Ipinakita sa video feature ang tagumpay ng mga bata sa telebisyon at ang ilang behind-the-scene footage sa naganap nilang concert noong Nobyembre, na nagluklok sa kanila bilang pinakabatang sold-out concert performers hindi lang sa Araneta Coliseum kundi sa buong bansa.

Tinawag din ng BBC ang TNT Boys na “The teen tribute act captiva‑ting the Philippines” at nagpasilip ng clip ng sikat na British singer na si Jessie J na nagsabing “They actually did it better than us” patungkol sa performance ng tatlo ng “Bang Bang.”

Unang nakilala sina Mackie, Keifer, at Francis bilang grand fina­lists ng “Tawag ng Tanghalan Kids” at nabuo bilang grupo noong 2017.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy