Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bumabagsik ba ang virus o pasaway lang ang mga tao?

0 757

Mas bumabagsik ba ang coronavirus o nagiging pabaya na lang ang mga tao? Alin lang sa dalawang ito ang pagpipiliang sagot kung bakit patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa pagpasok natin sa buwan ng Hulyo, doon natin nakita ang napakatataas na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 bawat araw. Nakapagtala tayo ng 999 bagong kaso noong Hulyo 1; 1,531 noong Hulyo 3; 1,494 noong Hulyo 4; 2,434 noong Hulyo 5; at 2,099 noong Hulyo 6.

Hindi magandang pangitain ang simula ng Hulyo kung pagbabatayan ang mga numerong ito. Sa sobrang taas, ang Pilipinas ang nangunguna sa buong Asia sa dami ng naidaragdag na kaso bawat araw.

Nitong Lunes ay naunahan natin ang Singapore dahil mas marami na ang “kabuoang bilang ng COVID-19” cases sa Pilipinas.

Naungusan rin natin ang Indonesia at nangunguna na ang Pilipinas sa pinakamaraming “aktibong kaso ng COVID-19” sa ASEAN.

Naturingan nga tayong nangunguna subalit nakakahiya at hindi maipagmamalaki ang ganitong mga record. Hindi tayo maaaring magbunyi at magsabing “We won!”

January 30 ang kauna-unahang kaso ng coronavirus na naiulat sa Pilipinas, mula sa isang dayuhang Chinese. Limang buwan ang lumipas at tila hindi pa rin maawat ang paglaganap ng virus sa ating bansa. Samantalang mistulang kontrolado na ng ibang kalapit na bansa ang virus, dito sa atin ay mas bumilis at dumami pa ang nagkakahawahan sa ngayon.

Saan tayo nagkamali o nagkulang? Sa testing at contact tracing ba ng mga taong nakasalamuha ng COVID-19 positive? Sa pagluluwag ba ng kwarantina? O dahil sa unti-unting panunumbalik ng kumpiyansa ng mga taong lumabas ng bahay, nagpapabaya na rin sila sa dating sinusundang health protocol na pagsuot ng face mask, social distancing, paghuhugas at alcohol ng mga kamay?

Hindi ko maisip kung aakyat pa ba lalo ang bilang ng COVID-19 cases sa sandaling payagang mamasada ang mga naka-tenggang jeepneys, payagan ang dine-in sa maraming restoran at magdagsaan na sa malls at maraming pampublikong lugar ang mga tao.

Ang malinaw na tinig na naririnig natin sa mga economic managers ng pamahalaan ay kahit lumobo pa ang bilang ng COVID-19, hindi na kakayanin pa ng ating ekonomiya ang muling magpatupad ng total lockdown kung saan sarado ang mga negosyo, opisina, pampublikong transportasyon at limitado lang ang maaaring lumabas ng bahay.

Kailangang tumakbo na muli ang ekonomiya upang mapunan ang nasaid na kaban ng bayan dahil sa ginastos sa pandemya.

Puno na ang karamihan ng mga ospital dito sa Metro Manila, ayon sa DOH. Ano ang maitutulong natin sa pamahalaan sa ating mga personal na kapasidad?

Huwag tayong maging pasaway. Mag face mask at isuot ito ng tama – nakatakip sa ilong at bibig para hindi mapasukan o manghawa ng virus. Ang “face” mask ay para sa mukha; hindi para isabit sa ilalim ng baba.

Dumistansya sa mga katabi. At panatilihin ang kalinisan ng katawan, lalo na ang mga kamay.

Kung ayaw mong mag face mask, sigurado akong mas hindi mo gugustuhin ang malagyan ng tubo sa bibig at lalamunan gawa ng ventilator.

Leave A Reply

Your email address will not be published.