Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bulok na industriya ng turismo ng Pilipinas

0 126

AMSTERDAM – Turismo ang isa sa malaking kontribusyon sa ekonomiya hindi lamang sa siyudad na ito na napaliligiran ng tubig kundi sa kabuuan ng Netherlands, isang napakaliit na bansa na matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Europe.

Bago mag-pandemya noong 2019, nakapagtala ng 45 bilyong euro (US$46 billion) na kontribusyon ang turismo sa ekonomiya Netherlands.

Bagamat bumagsak ang pandaigdigang turismo sa nakalipas na dalawang taon, muli nang bumabalik ang sigla ng turismo ng mga Dutch.

Maliban sa kanilang mapang-akit na sex at marijuana industry na masusi namang binabantayan ng mga awtoridad ng Netherlands, ang imprastraktura, kaayusan, malinaw na mga patakaran at regulasyon ang nakikita nating susi kaya tiwala ang milyong turista na bumisita dito.

Napakaraming museo, restaurants, pubs, outdoor cafe at souvenir shops na halos lahat ay tinatangkilik ng mga turista mula sa iba’t-ibang panig ng mundo. Malaki din ang partisipasyon ng kanilang domestic tourism.

Nakakainggit ang kanilang pagpapahalaga sa kultura at sining na isang malaking bentahe na kinagigiliwan ng maraming turista.

Pagdating naman sa krimen, kadalasan na nagaganap dito ay yaong tinatawag na mga “petty crimes” gaya ng pandurukot sa matataong lugar. Subalit ito naman ay tinatapatan ng mataas na bilang ng pulis na nagpapatrolya sa kalye.

May panggastos o handang gumastos ang uri ng karamihan ng mga turista sa Amsterdam. Malayo sa mga ‘backpackers’ na makikita natin na nag-iikot sa Pilipinas.

Alam nyo ba na marami sa mga nakausap nating banyagang turista dito ay ‘di man lang ikinukunsidera na bumisita sa Pilipinas o dili kaya ay halos wala man lamang nadidinig ukol sa ating kampanya sa turismo?

Kapag nadidinig nila ang lugar na Asya, unang pumapasok sa kanilang isipan ang Japan, South Korea, Singapore at Thailand. Ano ba ang pagkakahawig ng mga bansang ito? Simple lamang – imprastraktura, kaayusan at malinaw na mga regulasyon.

Natatandaan ko pa na noong huling bahagi ng ‘70s hanggang unang mga taon ng ‘80s sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., dinagsa ang Pilipinas ng mga turistang Hapones.

‘Yun ang mga panahon na ang mga turistang Hapon ay kilala nilang pinakamalakas gumastos dahil na rin sa ganda ng sitwasyon ng kanilang ekonomiya nung mga panahon na iyon.

Hindi rin ito gaano nagtagal dahil na rin sa mga di kanais-nais na naging karanasan ng maraming Hapones sa kanilang pagbisita sa Pilipinas na kadalasan ay naging laman ng mga balita sa Japan.

‘Yun bang tipo na pag-landing pa lang ng kanilang sinasakyang eroplano sa paliparan ng Maynila ay para na silang dumadaan sa iba’t-ibang kalbaryo sa kamay ng immigration, customs, airport police at maging mga fly-by-night taxi drivers na sa huli ay holdaper pala.

Sa ating pagkakatanda, dumaan na ang anim na administrasyon pero wala tayong nakitang malaking paggalaw sa industriya ng turismo ng Pilipinas kundi puro slogan at karatula lamang. Yung iba ay ginastusan pa ng milyon-milyong dolyar ang slogan na wala man lang tiyak na return of investment. May mga naging ‘kumisyoner’ lang.

Kasi naman, marami din mga hinirang na kalihim ng Department of Tourism (DOT) ang mga wala naman talaga karapatan, walang gaano kaalaman at walang liderato. ‘Dot talaga, di ba?

May mga gumawa kuno ng tourism ‘roadmap’ pero wala namang road o maayos na kalsada para makarating ang mga turista sa kanilang paroroonan.

Dahil sa nangyaring pandemya, ngayon ang magandang pagkakataon upang i-overhaul ang industriya ng turismo ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagtutok sa tamang imprastraktura at gumawa ng iisa at malinaw na pamantayan na susundin ng buong ecosystem ng pambansang turismo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.