Una sa Balita

Bullying sa trabaho, bigyang-pansin

By
0 1,229

Nito lamang pong bago magpasko ay naging viral ang video ng isang Junior High School student, habang binu-bully at binubugbog ang kanyang schoolmate.

Humaba na po ang kuwento at samut-sari na ang mga reaksyon. Marami rin po ang naghamon ng suntukan at bugbugan sa batang bully.

Nakakatakot, nakakalungkot at nakakahiya po ito. Sadyang ganito na po ba ang asal, ugali, at kultura nating mga Pilipino?

Kung ganito po ang nangyayari sa ating kabataan sa paaralan, at kung ganito po ang normal na nangyayari sa ating mga social media, ganito rin po kaya ang nangyayari sa ating mga manggagawa sa kanilang workplace o mga lugar kung saan sila naghahanap-buhay?

Marami na po tayong narinig na mga kuwento na magpapatunay na talamak din ang ‘bullying’ sa mga manggagawa, sa publikong sektor man o sa mga pribadong kompanya, subalit hindi ito napagtutuunan ng pansin ng mga supervisor o employer, at kahit ng mga Human Resource Office ng kompanya.

Sa Amerika, 60% po ng mga manggagawang­ nakasali sa ‘2017 US Workplace Bullying Survey’ ang nagsabing naapektuhan sila ng workplace bullying.

Mga halimbawa po dito ang pagpapakalat ng maling impormasyon o tsismis tungkol sa isang empleyado, paggamit ng mga bulgar na lengguwahe bilang pagtukoy sa mga kasamahan sa trabaho, pananakot, pagharang ng mga oportunidad gaya ng promosyon ng manggagawa, at iba pang pananakit at pag­yurak sa kanilang dignidad.

Kung tutuusin, isang uri rin po ng bullying ang nangyayari sa tuwing pinatatahimik ang dapat sana’y mas pinaniniwalaan at hinahangaang matatapat at mararangal na manggagawa.

Kaya’t mahalaga po ang Republic Act 10627 o ang ‘Anti-Bullying Act of 2013’ na nilagdaan noon ni Pangulong Aquino, na nagtataguyod ng anti-bullying policy sa mga eskuwelahan, dahil ang atin pong mga educational institution ang tagapaghubog ng mga future worker ng bansa.
Mayroon na rin po tayong batas para pigilan ang bullying sa mga empleyado ng kapwa nila manggagawa, o maging ng kanilang mga boss. Ito po ay ang Republic Act 11058 o ang Occupational Safety and Health (OSH) Law na isinulong po natin sa Senado.

Bukod sa OSH, marami rin po tayong ipinanukalang amiyenda sa Labor Code upang ma­ging makatwiran at hindi arbitraryo ang mga kalakaran at ugnayan sa ating mga lugar ng hanap-buhay.

Dapat pong bigyang-pansin ang mga kaso ng workplace bullying. Sa tingin po natin, magagawa ito sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mga karapatan at kapasidad ng ating mga manggagawa para tumayo at manindigan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy