Una sa Balita

Bulag na lolo sa Davao, hinangaan sa pagbabanat ng buto

0 798

Naging viral sa social media ang isang lalaki na kahit bulag, nagagawa pang magtrabaho sa isang koprahan sa Davao.

Ang lalaki ay nakilalang si Constantino Velasquez Jr., 69 an­yos, na wala nang paningin mula nang ipinanganak.

Subalit ang kapansanang ito ay hindi naging hadlang upang tumigil ito sa paghahanapbuhay dahil kahit matanda na at bulag, nagagawa pa rin nitong magbunot ng niyog.

Ang kuwento ng buhay ni Velasquez ay ibinahagi ng isang Yang Yang ng Tagum City, Davao del Norte sa kanyang Facebook post noong Linggo.

“Second day ko na to nakita si Lolo na nagbubunot ng niyog. Bulag siya since birth. I am ta­king the video not to get attention eve­ryone but to realize how God can do amazing things.” ayon sa post ni Yang.

“Bulag ang dalawang mata ni Lolo. Siya lang mag isa sa kanilang bahay. Siya lang ang mag luto, mag hugas at maggawa ng gawaing bahay,” dagdag pa ng post.

Umani ng 60,000 likes at 140,000 shares ang ipinost ni Yang, samantalang mayroon naman itong 7 million views.

Nakiusap naman si Yang sa mga gustong tumulong kay Velasquez na huwag na itong padalhan ng pera dahil ang mas kailangan nito ay kumot, unan at tulugan, gayondin ang jacket, sombrero, short, t-shirt at pantalon.