Una sa Balita

Bulacan Sports Meet: Na-hokus-pokus

By
0 1,601

Panahon na mul­i ng ‘sports competition’ sa buong bansa. Pinakatampok ay ang Palarong Pambansa.

Ito ay gagawin sa Vigan, Ilocos Sur, mula April 16-20, 2018.

Kaya naman bago pa matapos ang 2017, ang mga batang atleta mula Luzon, Visayas at Mindanao ay naghanda at nagsanay para makalahok sa prestihiyosong ‘sports competition.’

Sa pangangasiwa ng Department of Education (DepEd) isinagawa sa buong bansa ang mga ‘district meet, City meet, Provincial at Regional meet,’ masiguro lamang na ang mga lalahok na atleta sa Palarong Pambansa ay ang pinakamahusay at pinakamagaling.

Pero ano itong nangyari sa katatapos na Bulacan Provincial meet? May alegasyon na nagkaroon ng ‘hokus pokus.’

Malungkot ang na­ging karanasan ng sampung taong-gulang na ‘gymnast.’ Napakaga­ling na atleta. Tatlong beses na ‘medalist sa mga nagdaang Palarong Pambansa at malaki ang tsansa na maging kampeon­, su­balit naging biktima ng umano’y ma­ling ‘scoring.’

Sa ngayon ang batang si Sam ay hindi na makakapaglaro sa Central Luzon Regional Meet at nawala na rin ang pagkakataon na makalahok sa Palarong Pambansa. Marami ang nagduda, nagtaka at kumuwestiyon sa resulta ng kompetisyon.

***

Secretary Leonor Briones­, pakisilip naman. Bagama’t may desisyon na ang mga hurado, ipatawag niyo ang mga bumubuo ng Bulacan ‘provincial sports head at technical committee’ paki­tanong, totoo bang may ‘lapses o pagkukulang sa ‘judging’ at ‘recording’ ng mga score?

Malaking kasala­nan ito sa mga batang atleta.

Kung sino man ang nanalo at natalo sa ‘gymnast competition,’ kapwa may epekto ito sa kanila.

Itinuturo natin sa mga atleta ang pagiging matapat, patas at magi­noong pagtanggap ng pagkatalo. At alam ito ng mga batang atleta.

Sa mga bumubuo ng Bulacan Provincial Sports naging patas ba ang na­ging desisyon nyo?

Secretary Briones, kung nangyari ito sa lalawigan ng Bulacan, pwede rin mangyari ito sa iba pang lalawigan.

***

Kung may mga pagkakamali dapat agad itama, upang mabigyan ng hustisya hindi lamang si Sam, kundi ang iba pang mga batang atleta na biktima ng ‘hokus-pokus.’

Dahil sa maling desisyon – sinadya man o hindi – inalis sa mga batang ito ang pagkakataon na lumaban pa.
Ang malungkot baka hindi na maniwala ang mga batang-atleta sa katagang lumaban nang parehas.