Una sa Balita

Bulacan lubog sa baha, 700 pasahero stranded sa Bicol

20,000 inilikas sa Calabarzon

By , , , , ,
0 415

PATULOY na nakaalerto ang Rescue Group ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)-Malolos City bunga nang patuloy na pagtaas ng tubig-baha sa malaking bahagi ng Bulacan dulot ng bagyo at Habagat.

Marami sa mga residente ang inilikas lalo na ang naninirahan sa riverside.

Base sa report ni Felicisima Mungcal, pinuno ng PDRRMO, patuloy nang pagtaas ng tubig-baha malapit sa ilog na sinasabayan pa ng high tide at walang tigil na buhos ng ulan kaya mala­king porsiyento ng lalawigan ay binaha.

Kabilang sa mga apektadong lugar na nasalanta ay ang Meycauayan City, Marilao, Bocaue, Balagtas, Guiginto, Obando, Malolos City, bagamat passable naman sa malalaking sasakyan ang kahabaan ng MacArthur Highway ngunit maraming kanayunan ang dumadanas ng dalawang hanggang apat na talampakang baha.

Patuloy na kumikilos ang rescue team ng provincial at municipal government sa Bulacan para matiyak na kanilang maililikas ang lahat ng residente na nangangailangan ng tulong.

Mataas na rin tubig mula sa Wawa river matapos na magpakawala ng sobrang tubig ang Ipo Dam na lumagpas sa 100 meter na normal high water level ang sukat.

Inaasahang aabot ng dalawang araw bago tuluyang humupa ang tubig sa mga apektadong lugar sa Bulacan habang 24-oras na binabantayan ng PDRRMO ang pagtaas ng tubig-baha sa probinsya.

Stranded sa Bicol, Southern Luzon

Samantala, mahigit na 700 pasahero sa mga maliliit na pantalan sa Bicol region at Southern Luzon ang na-stranded dahil sa masamang panahon dulot ng habagat kahapon. 

Sa tala ng Philippine Coast Guard, pinakamarami ang mga naipit na pasahero sa Port of Real na nasa 300, habang 160 sa Port of Polillo.

May 61 pang pasahero sa Port of Infanta, lahat ng pasahero sa Quezon province, 26 sa Port of Tingloy at 18 sa Calatagan Port sa Batangas. 

May 70 ring nananatiling pasahero sa Pasacao Port sa Bicol.

Hindi pinayagang bumiyahe ang 7 vessel at 19 na motor banca dahil sa peligro na dala ng masamang panahon.

Samantala, umaabot naman sa 19,634 katao ang inilikas kahapon sa mga evacuation center sa Southern Tagalog region. 

Batay sa tala ng Calabarzon Regional Police Office-PRO 4A, nasa 450 ang inilikas sa Cavite at 19,184 naman sa lalawigan ng Rizal. 

Ito ay matapos lumubog sa baha ang 20 barangay sa Rizal na kinabibilangan ng 10 barangay sa San Mateo, lima sa Rodriguez, isa sa Cainta, at apat sa Antipolo. 

Wala namang naiulat na nasawi, nasaktan o nawasak na mga bahay sa Calabarzon dahil sa habagat. 

Tulay bumigay sa Cavite

Kaugnay nito, dulot ng ilang araw na pag-ulan, bumigay ang Esperanza Bridge sa bayan ng Alfonso Cavite, na sinasabing sinimulang itayo noon pang 1993.

Nabinbin ang construction sa nasabing tulay sa Rodeo Hills Barangay Mangas 2 dahil umano sa ilang teknikalidad, kaya naman pati ang private subdivision na dini-develop karugtong nito ay naabandona na rin bunsod umano sa pagguho ng lupa sa pinagtitirikan ng pundasyon ng may 50 metrong tulay na naging dahilan ng pagbagsak nito.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Wasak din ang tulay na kumokonekta sa ba­yan ng Bustos at Baliwag na kagagawa lang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong taon dahil sa malakas na ulan nitong ilang araw.

Ang temporary bridge ay ginawa para may magamit pansamantala ang mga tao habang pinapalitan ng DPWH ang sinaunang tulay na may habang 2.68 kilometer.

Ayon sa datos ng DPWH, P300 milyon ang halaga ng proyekto para sa pagpapalit ng Bustos-Baliwag bridge.

Ambuklao, Binga at Magat Dam nagpakawala ng tubig

Sinabayan nang papalabas na bagyong Kar­ding, nagpakawala naman ng tubig ang tatlong pinakamalaking dam sa buong Asya na nasa Pilipinas.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), unang binuksan ang mga gate ng Ambuklao Dam sa Bokod, Benguet na isa sa pinakamahabang dam sa buong Asya, sinunod ang Binga Dam sa Itogon, Benguet at Magat Dam sa Ramon, Isabela na kabilang din sa pinakamala­king dam sa Asya na napapalibutan ng malala­king bato.