Una sa Balita

Bulacan airport aprub sa mga OFW

0 987

NANAWAGAN sa administrasyong Duterte ang 17 grupo ng mga overseas Filipino worker (OFW) na pabilisin ang negosasyon para sa pagtatayo ng isang paliparan sa lalawigan ng Bulacan.

Sa magkahiwalay na petisyon na ipinadala nila sa Office of the President at Department of Transportation (DOTr), sinabi ng iba’t ibang samahan ng mga migrant worker na matagal na nilang inaasam na magkaroon ng isang world-class airport na magpapagaan sa kanilang pagbiyahe at magbubukas din ng maraming potensyal para sa bansa.

Ayon kay Susan Ople, pinuno ng Blas F. Ople Policy Center, bukod sa pagnanais nila na magkaroon ng paliparan sa Bulacan, ginawa nila ang liham bilang paghahayag din ng suporta sa iba pang proyektong pang-imprastraktura na lilikha ng maraming trabaho.

“Optimism is high that once these critical pro­jects begin, then floodgates for more jobs and potential investments will be flung wide open. Hopefully, more of our OFWs would be enticed to return and reunite with their families because more local jobs would be open to them,” ani Ople.

Kabilang sa mga samahan ng OFW na lumagda sa nasabing petisyon ang Blas F. Ople Policy Center, Integrated Seafarers of the Philippines, OFW Watch, OFW Chamber of Commerce, OFW Council of Leaders-KSA, Kabalikat ng Migranteng Pilipino, Kapisa­nan ng mga Kamag-anak ng Migranteng Manggagawang Pilipino Inc., LBS Recruitment Solutions Corp., Philippine Association of Migrant Workers & Advocates, Kaibigan ng OCWs, OFW Committee, Zonta Club of Quezon City, United Filipino Seafarers, Ang Kaagapay ng Bawat OFW, Filipino Malaysian Cultural Sports and Workforce Training Program at Bulacan Federation of OFW Family Circle Officers.

Sa kanilang liham, idiniin ng mga migrant worker na bilang kaagapay ng gobyerno sa pagpapalago ng ekonomiya, karapatan din nila na makatamasa at mabigyan ng magandang serbisyo mula sa isang maayos na paliparan.

Ayon sa mga ito, umaabot sa 4,000 hanggang 5,000 OFW ang umaalis para magtrabaho sa ibang bansa kaya dapat lang na isang komportable at madaling puntahan na paliparan tulad ng NAIA at ang itatayong Bulacan airport ang kailangan.

“The construction of this new airport over a span of five to six years will create new jobs and businesses that would increase the productivity of our workers and entice our OFWs to reintegrate home,” dagdag nila.

Malapit umano ito sa Metro Manila at kapit­bahay lang ng Pampanga kaya istratehikong lokasyon ito para sa pagnenegosyo at turismo sa Central at ­Northern Luzon.

Sa panukala ng San Miguel Corp. (SMC), paglalaanan ng $15 bilyon ang pagtatayo ng New Manila International Airport (NMIA) sa Bulakan, Bulacan.
Aprubado na ng National Economic Developement Authority (NEDA) ang proyekto at nakatakdang isalang sa Swiss Challenge ngayong taon.

“We look forward to witnessing the completion of not just one but perhaps several new other international airports nationwide within our lifetime. This would truly make our OFWs proud to come home,” sabi ni Ople. (Mia Billones)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy