Una sa Balita

Bukod kay Faeldon, imbestigahan at kasuhan ang dating mga BuCor chief

0 352

BROADCASTER’S VIEW
Ely Saludar

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa good conduct time allo­wance (GCTA) na nakasentro ngayon sa muntik na pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Aabot sa 1,914 na preso na nakasuhan sa karumal-dumal na krimen ang nakalaya na nakakapagtakang naka-avail sa GCTA.

Libo-libo ang mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) pero bakit karamihan sa naunang napalaya ay ang mga mayayaman at maituturing na may koneksiyon sa mga prominenteng tao?

Sa mga simpleng transaksiyon sa gobyerno na may mahabang pila ay may nakakalusot na mauna sa pila upang agad na maserbisyuhan pero alam natin na mayroong mga nangyaya­ring ‘bayaran’.

Eh papaano pa sa isang bilanggo na nakasalalay ang kaniyang kinabukasan at buhay kung mas maaga itong makakalabas ng kulungan?

Dapat ay imbestigahan itong mabuti dahil ang nakakagulat ay bukod sa mga rapist-killer ay nakapagpalaya pa ng mga drug lord na dayuhan.

Hindi ako abogado pero nabasa ko ang batas at malinaw na hindi makikinabang ang mga akusado sa karumal-dumal na krimen.

Sa Implementing Rules and Regulations (IRR) naman ay sadyang pinalusutan ito dahil sa aking pananaw ay hindi na lubos idinetalye ang mga patakaran dahil alam ng lahat na matatalino at makatao ang mga opisyal na magpapasya sa kaso.

Sa aking pananaw ay hindi na kailangan pang amyendahan ang batas at ang dapat na gawin ay parusahan ang mga nagpatupad nito na sadyang ginulo at binutasan ang batas upang maisulong ang mga pansariling interes.

Sa imbestigasyon ng Senado ay huwag lang mag-focus kay Sanchez at kay BuCor chief Nicanor Faeldon sa halip ay imbestigahan din ang iba pang namuno sa BuCor na nagpalaya ng preso upang matiyak na mapapanagot ang mga ito sa batas sakaling mapatuna­yang nagkasala upang hindi maipagkait ang pagbibigay ng tunay na hustisya sa mga biktima ng krimen.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy