Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bukas na liham para kay PBBM

0 143

Dear Pangulong BBM,

Isang mainit na pagbati sa inyong opisyal na pagkakaluklok bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas!

Sa nakalipas na halos pitong linggo matapos ang halalan noong Mayo 9, taimitim na minasdan ng publiko ang mga itinatalaga ninyong manunungkulan sa ilalim ng inyong administrasyon.

So far, ang mga anunsyo ng inyong pagtatalaga ng ilang kabinete at opisyales ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan ay inaabangan na parang isang telenobela. Samu’t-sari ang damdamin ng mga nanonood. Minsan ay masaya, minsan ay malungkot. At may ilang pagkakataon na banggit pa lamang ng pangalan ay naduduwal na ang madla.

In fairness, umani ng masigabong palakpakan mula sa maraming sektor ng lipunan ang kumakatawan ng inyong economic team gaya nila Sec. Benjamin Diokno (Finance), Gov. Felipe Medalla (Central Bank), Sec. Amenah Pangandaman (Budget), Sec. Arsenio Balisacan (NEDA), at Sec. Alfredo Pascual (Trade).

Isa pang karapat-dapat na inyong iniluklok ay itong si Sec. Susan “Toots’ Ople para sa bagong tatag na Department of Migrant Workers. Malaki ang maiaambag nito na mapabuti ang katayuan ng ating mga overseas Filipino workers at lahat ng Pilipino na nasa ibayong dagat dahil sa kaniyang malawak na karanasan at matagal na panahong adbokasiya na isulong ang karapatan at kapakanan ng mga ito.

Subalit yung iba po ninyong mga appointees ay talaga naman nakakaiyak sa inis. Dahil alam naman ng buong sambayanan na karamihan sa mga ito ay bunga ng inyong magandang kalooban, pambayad utang, o dili kaya naman ay dahil sa bulong at sipsipan sa inyong paligid.

Gaya nung isang kalihim na itinalaga ninyo na mas kilala bilang ‘attack dog’ at bully. Wala na ngang kinang ang serbisyo sa kanilang probinsya, akalain mong nagdala pa ng manyakis na undersecretary sa kanyang kagawaran! Bigla tuloy naalarma ang mga magagandang kababaihan sa nasabing departamento sa pagdating nitong undersecretary na may kaso pang kahalayan sa kabilang ahensiya ng gobyerno.

Siyanga pala, meron din po kayong itinalaga na parang may hawak na voodoo doll. Napa-check niyo na po ba siya?
Dumadaan po ba talaga sa tamang pagsusuri ang lahat ng mga ito?

Speaking of pagtatalaga, ano naman po ba ang ipinupulapol nitong vlogger na si Thinking Pinoy laban dito kay Executive Secretary Vic Rodriguez?

Totoo po ba na hindi din dumaan sa inyong pagkilatis itong pinuno ng Philippine Ports Authority na kinukuwestiyon ni TP?

Maging sa loob ng Department of Foreign Affairs ay marami ang di natutuwa sa patuloy na pamamayagpag ng ilang ‘lubos na pinagpalang nilalang’ na halos nakakunyapit na sa kanilang mga puwesto. May ilan nga diyan na tila ‘binibili’ ang posisyon at mahigit dalawang dekada nang pasugo?

Napakalaki po ng pagtitiwala na iniatang sa inyong balikat ng 31 milyong Pilipino na umaasa na maging P20 kada kilo ang presyo ng bigas. Marami ang abangers kung paano ninyo itutuwid ang mga maling paratang at akala na iwinasiwas sa inyong pamliya sa loob ng tatlo at kalahating dekada.

Kasabay nito ay inyong maisalba ang sambayanan sa problema ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, ang kakulangan sa sapat na pagkain, edukasyon para sa ating mga kabataan, at seguridad ng bansa.

Bilang pangwakas, iisa po ang paniwala ng napakaraming bumoto sa inyo: Inyong ibabangon ang dangal ng apelyidong Marcos na iniwan ng inyong nasirang ama.

Lubos na umaasa,
Ako, Kami at Sila

Leave A Reply

Your email address will not be published.