Una sa Balita

Build program sa mga probinsiya paspasan – Duterte

By
0 1,162

KINALAMPAG ni Pangu­long Rodrigo Duterte ang mga ahensiya ng gobyerno na nakatoka sa pagpapagawa ng mga pa­ngunahing proyekto katulad ng Build, Build, Build program.

Dahil na rin ito sa naobserbahan diumano ng Pangulo na mahina pa rin ang pag-unlad sa mga probinsiya sa kabila nang paglakas ng ekonomiya.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bagama’t pangalawa ang Pilipinas sa pinakamabilis ang paglago ng ekonomiya, kailangang paspasan ang mga nakalinyang proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build sa mga lalawigan.

Nanawagan aniya ang Pangulo sa economic team na pukpukin na talaga ang mga proyektong nasa probinsiya.

“Nahuhuli pa rin po ang mga probinsiya sa pag-unlad at nahuhuli pa rin po ang mga probinsiya pagdating po sa mga proyekto. Kaya nga po ang pana­wagan ng Presidente, mas paspasan at mas bilisan ang implementation ng Build, Build, Build sa probinsiya,” ani Roque.

Nanawagan din aniya si Pangulong Duterte sa mga mambabatas para sa Charter Change tungo sa pederalismo para matiyak ang patas na pag-unlad sa bansa.

“Nananawagan na rin si Pangulong Duterte sa taong bayan at sa Kongreso na suportahan ang pedera­lismo para mawala na itong bias laban sa mga probinsiya pagdating sa pag-unlad,” ayon pa kay Roque.