Una sa Balita

Buhos ng habagat, hagupit ni Josie, Luzon lubog

0 1,255

MARAMING lugar sa Luzon ang nagmistulang dagat-dagatan matapos lumubog sa baha na hatid ng bagyong ‘Josie’ at ng hanging habagat.

Sa Metro Manila, Batangas, Cavite, Laguna at Rizal ay panay ang text alert ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para bigyan ng babala ang mga naninirahan sa mga nabanggit na lugar ng malakas na pagbuhos ng ulan na posibleng magdulot ng mga pagbaha at landslide.

Mahigit 1,000 pamil­ya o nasa 4,635 katao ang inilikas kahapon sa mga naninirahan malapit sa Marikina River na batay sa report ng Eastern Police District ay naitala na ang water level na 17.4 meters bandang alas-11:00 kahapon ng umaga.
Agad na ipatutupad ang forced evacuation sakaling umabot na sa third alarm ang water level sa Marikina River o kapag umakyat pa ito sa 18 meters.

Sinalanta rin ng baha ang ilang lugar sa Pasig City kung kaya’t inilikas din sa mas ligtas na eva­cuation center, na karaniwang sa covered court, ang mga apektadong residente.

Sa Makati City, nag-abiso ang pamahalaang lungsod hinggil sa mga binahang lugar dito katulad ng Gil-Puyat-Dian, Gil Puyat, Filmore; Mayapis-Yakal hanggang Malugay; Malugay-Ma­yapis patungong Tecson Building sa Gil Puyat; at Bernardino, Guadalupe Viejo. Pero nadadaanan pa rin ng mga sasakyan ang mga nabanggit na lugar.

Sa Maynila, inihayag ni Manila Disaster Risk Reduction and Management Office officer-in-charge Felix Abad na binaha ang A. Linao corner Quirino, A. Linao-Muñoz sa Singalong, Pedro Gil hanggang Ony, Pedro Gil corner Quirino Avenue.

Wala namang iniulat na inilikas ang pamahalaang lungsod ng Maynila pero patuloy ang monitoring ng tanggapan ni Abad sa lagay ng panahon at nakaalerto sila nang 24/7.

Samantala, nagdeklara ng state of calamity sa Licab, Nueva Ecija at mga lungsod ng Dagupan at San Carlos, mga bayan ng Bugallon, Lingayen, Mangatarem at Santa Barbara sa Pa­ngasinan bunsod ng pagbahang dulot ng halos isang linggo nang pag-uulan.

Ayon kay Licab Ma­yor Femy Domingo, taon-taon namang binabaha ang kanilang bayan pero hindi nila inasahan ang pagtaas ng tubig nga­yong taon na dulot ng pag-apaw ng Labong River at Kaputatan River.

Sinabi naman ni Pangasinan PDRRMC Information Office Rondale Castillo na 15 lugar sa lalawigan ang lumubog sa baha kabilang ang Agno, Alaminos, Bautista, Bayambang, Bugallon, Calasiao, Dagupan, Dasol, Lingayen, Malasiqui, Mangaterem, Navi­tidad, Urdaneta, San Carlos at Santa Barbara.

Sumabay pa ang pagkasira ng embankment o harang sa Alibago, Santa Barbara na naging dahilan ng pag-apaw ng tubig mula sa Sinucalan River habang patuloy pang mino-monitor ang bayan ng Calasiao dahil sa pag-apaw ng Marusay River na umabot na sa critical level na nasa 10 talampakan na.

Sa Olongapo, 16 na barangay ang nilunod ng bagyong ‘Josie’ at haba­gat dahil sa katabing ilog sa Brgy. Old Cabalan, Mabayuhan, Ilalim at Sta. Rita na may mahigit 60 pamilya ang inilikas.

Ilang mga landslide din ang naganap sa Mabayuhan, Old Cabalan, at Gordon Heights base naman sa ginawang pag-iikot ng Abante habang kasagsagan ng ulan.

Patuloy naman ang pagpapakawala ng sob­rang tubig sa Bustos Dam na matatagpuan sa Bustos, Bulacan dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Base sa report ni Felicisima Mungcal ng PDRRMC-Malolos City, hanggang kahapon ay itinaas ng Bustos Dam ang pinakakawalang tubig sa 150 cubic meter per second sa tatlong spill gate nito.

Ayon kay Mungcal, mula noong Miyerkoles ay araw-araw nang nagpapakawala ng tubig ang Bustos Dam.

Tatlong barangay sa Meycauayan City ang binaha, 16 sa Calumpit, anim sa Marilao at walong barangay sa Pulilan. May mga inilikas din na apektadong pamil­ya.

Sa Metro Manila, binaha ang ilang lugar sa Valenzuela City habang sa Malabon ay lubog naman ang loob ng kabahayan partikular sa Tañong, Longos at Concepcion dahil mas mataas ang kalsada sa kanilang kinatatayuan kaya naglilimas ang mga residente.

Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong ‘Josie’ kagabi o ngayong umaga pero may mga pag-ulan pa rin dahil sa habagat. (Vick Aquino/Tina Mendoza/Cherk Balagtas/Jun Borlongan/Jojo Perez/Juliet de Loza-Cudia)