Una sa Balita

Buhay Nga Naman

By
0 18

Ilang buwan ang nakararaan naaresto ng Manila Police District ang tatlong Pakistani national na nagbebenta ng ‘counterfeit’ medicine o pekeng gamot.

Ilang concerned citizen kasi ang dumulog sa MPD dahil ang tatlong dayuhan ay nagbebenta ng mga ‘branded’ na gamot sa murang halaga.

Ayon sa MPD, ang mga ‘branded’ na pekeng gamot ay ‘naproxen sodium, paracetamol, dextromethorphan at pheny­lephrine.’

Ang ‘naproxen’ ay gamot sa arthritis at gout.

Ang ‘paracetamol’ naman ay para sa lagnat at pananakit ng katawan.

Ang ‘dextromethorphan’ ay gamot sa ubo at ang ‘phenylephrine’ ay para sa baradong ilong.

May kamahalan ang halaga ng ‘branded’ ng mga nabanggit na gamot.

Kaya’t kung iniaalok ito ng mura siguradong peke ito. Imbis na makagaling ay lalo pang lumala ang karamdaman ng iinom nito.

***

Gaano kaligtas ang mga gamot na nabibili ng mga may sakit?

Mahal na nga ang presyo, napepeke pa?

Ano ang ginagawa ng mga tinatawag na ‘stakeholder’ – gobyerno at industry player – para masawata ang banta at panganib ng pekeng gamot?

Dahil sa sobrang mahal ng mga ‘branded,’ maraming Pinoy ang hindi makabili ng gamot, kaya naman ang mga sindikato ay nakakita ng tiyempo para kumita.

***

Kawawa talaga ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Bagama’t may libreng gamot na ipinami­migay ang gobyerno, talagang magmamaka-awa at mistulang magpapalimos pa ang nangangaila­ngan.

Tingnan niyo ang mahabang pila sa PCSO sa Lung Center of the Philippines Quezon City, maagang pumipila ang mga nangangailangan ng gamot, ang ilan ay doon na nagpapalipas ng magdamag kahit hindi pa nakapagmumog at nakapaghilamos, makakuha lang ng numero at di abutan ng ‘cut off.’

Ang ilan ay galing pa ng probinsiya.

***

Isyu pa rin hanggang ngayon ang pagkakaiba ng ‘branded’ at ‘generic’ na gamot.

Pag ‘branded’, kahit mahal mabisa daw.

Dahil generic, kahit mura, wala raw epek.

Ang ‘branded’ daw pangmayaman at may pera lang. Pag ‘generic’, pangmahirap at walang pera.

Buhay nga naman…