Una sa Balita

Buhay ng masahista, pagaanin 

By
0 1,693

Kasabay ng paglakas ng turismo ang paglawak ng sektor ng health and wellness sa bansa.
 
Ayon sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), may 7,212 na mga spa, massage clinic, sauna, parlor, gym, at iba pang katulad na mga establisyimento ngayon sa Pilipinas.

Pumapangalawa ang health and wellness sa food and beverage service activities sa may pinakamaraming bilang ng mga establisyimento ngayon.
 
Mataas po talaga ang demand sa mga massage therapist lalo pa’t unti-unti nang nakikilala ang Hilot Wellness Massage na tatak Pinoy.
 
Kaya mula taong 2012 hanggang 2017, nakapag-produce ang TESDA ng 88,405 Certified Massage Therapist.

Noong 2015, naiulat ng Philippine Organization of Wellness Establishment and Resources (POWER) na may 200,000 na mga Pinoy ang nagtatrabaho bilang masahista. Mahigit 5,000 naman ang mga blind masseur o masseuse.
 
Ganito po karami ang mga kababayan nating nanganganib mawalan ng trabaho o maantala ang hanap-buhay dahil sa muling pagpapatupad ng training at licensure examination ng DOH para sa mga massage therapist.
 
Noong 2010, nagpalabas ang DOH ng patakaran alinsunod sa Presidential Decree 856 o ang “Sanitation Code of the Philippines” na kailangang lisensyado ng Committee of Examiners for Massage Therapy ng DOH ang lahat ng mga masahista.
 
Ipinagpaliban po ito hanggang 2014 dahil sa kakulangan ng mga Licensed Massage Therapist. Noong 2015, nakipagkasundo po tayo sa DOH na mag-moratorium sa pagpapatupad ng nasabing kautusan at naging epektibo nga po iyon hanggang Disyembre 2017.

Sa bisa ng joint memorandum order na ating nilagdaan kasama ang DOH, sinuspinde ang “no license, no massage” policy ng DOH at pinayagang mag-practice ang mga TESDA certified massage therapist.

Tiwala po tayo sa kakayahan ng mga TESDA graduate dahil mismong ang industriya ng health and wellness ang bumuo ng training regulation ng TESDA para sa Massage Therapy NC II at Hilot Wellness Massage NC II. Hindi rin po basta-basta ang competency assessment para makakuha ng sertipikasyon sa TESDA.

Pasok din ang mga kursong ito sa mga scholarship program ng ahensya. Ibig sabihin, nakukuha po ito ng libre. Higit sa lahat, nasa 7,000 piso lang ang bayarin para sa training at assessment.
 
Samantala, may kabigatan po ang mga requirements at bayarin sa DOH para sa paglilisensya sa mga masahista. Bukod sa kailangang pag-aralan ang Anatomy at Physiology na kalimitang inaaral ng mga kumukuha ng medisina, umaabot po sa 15,000 piso ang bayarin.

Bukod dito, napakaraming requirements para sa renewal ng lisensya tulad ng certificate of attendance sa continuing training on massage.

Hindi po ito makatarungan lalo na’t napakababa pa rin ng sahod ng mga masahista.

Nauunawaan po natin ang DOH sa pagpapatupad ng ganitong polisiya subalitkailangan nating solusyunan ang duplikasyon sa training at paglilisensya sa mga masahista. Kailangan din pong bawasan ang mga requirements at kailangang magtakda ng angkop na training fee o palawakin pa ang mga libreng training ng pamahalaan.

Magpupulong po tayo sa Senado para plantsahin ang mga patakaran ng TESDA at DOH. Titiyakin po natin ang mas simple, mas abot-kaya subalit de-kalidad na pagsasanay at pagtatasa sa kakayahan ng ating mga masahista.

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)