Una sa Balita

Bugle Notes nagparamdam

0 201

KUMANA agad ng panalo si super horse Bugle Notes sa simula ng kampanya nito ngayong taon matapos ilampaso ang mga nakatunggali sa Condition Race Merged Category 10 nitong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Nagtala ng impresibong 1:26 minuto sa 1,400-meter race ang imported horse Bugle Notes mula USA upang sikwatin ang panalo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM).

Wala pang dungis ang performance ni Bugle Notes na pangatlong salang pa mula nang tumakbo nakaraang taon.

“Mainam at mag-uumento pa, impresibo ang kanyang tiyempo,” wika ni Nelson Batallones, na kumarga kay Bugle Notes.

Nirendahan ni star jockey Jonathan B. Hernandez, sinunggaban agad ni Bugle Notes ang unahan sa largahan, pilit naman itong kinapitan ni Pronto.

Makalipas ang unang 200 metro ng takbuhan ay kumalas na si Bugle Notes upang masolo ang unahan pagdating ng back stretch.

Nagpakitang-gilas si Bugle Notes sa kanyang unang takbo sa karera, nanalo sa Cojuangco Cup kung saan isa sa tinalo ang reigning Presidential Gold Cup champion na si Super Sonic.

Kasama din sa mga hiniya ni Bugle Notes sina last year PGC ruler Sepfourteen at malulupit din na imported horse na sina Hitting Spreee at Viva Morena. (Elech Dawa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More