Una sa Balita

BSP walang sentido kumon sa magkakamukhang pera, baryang P5 isauli

By
0 2,039

Masyado umanong sablay at tila hindi umano pinag-isipan ayon sa isang kongresista ang naging diskarte ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga inilabas na bagong barya at perang papel.

Himutok ni ACT Teachers Representative France Castro, mistulang hindi umano gumamit ng sentido kumon ang BSP sa paggawa ng mga bagong pera.

“Mukhang hindi ginamit ng mga taga-BSP ang kanilang common sense sa pagpapalabas ng five peso coin na halos kaparehas ng piso,” komento ng mambabatas.

Sinabi pa ni Castro na lumikha ng kalituhan sa mga Pinoy ang mga bagong pera.

“Nakapagdulot nga ito ng kalituhan sa mga mamimili at sa mga driver din ng jeep. ‘Yun ngang P20 bill at P50 bill nakakalito na. Pati ‘yung P100 bill, ang one thousand peso bill ay dapat palitan na rin,” dagdag ng solon.

Mas maigi aniya na isauli na lamang sa BSP ang mga bagong pera.

Baguhin na lamang umano ang hilatsa ng mga ilalabas na pera nang sa gayon ay hindi maging nakakalito ang hitsura ng mga ito.

Kasabay nito, inamin din ng BSP ang kanilang kapalpakan sa pag-imprenta ng P100 bills na walang mukha ni dating Pangu­long Manuel Roxas na nakuha ng isang depositor sa isa sa mga automated teller­ machine (ATM) ng Bank of the Philippine Islands (BPI).

Paliwanag ni BSP Currency Management Subsector Director Carlyn Pangilinan, ‘technical glitch’ umano ang nangyari at natukoy na nila ang printing machine na naglabas ng ‘rare misprint’ ng P100 bills na burado ang mukha ni Roxas.